Tuesday, September 4, 2012

Iba pang mga aktibidad sa pagdiriwang ng Phil Civil Service Month aabangan


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Setyembre 4 (PIA) – Matapos ang isinagawang aktibidad ng pagbubukas ng ika-112 taong anibersaryo ng Philippine Civil Service kanina, ilang mga aktibidad pa ang nakatakdang gawin dito sa lalawigan sa pangunguna ng Civil Service Commission (CSC) Sorsogon Field Office.

Ayon kay CSC Sorsogon Field Office Director Arpon U. Lucero, nakatakdang magkaroon ng Gender Sensitivity Seminar ang ilang mga piling kawani ng pamahalaan sa Setyembre 10 sa pakikipag-ugnayan nila sa Sangguniang Panlalawigan at sa Sorsogon Provincial Gender Advocacy and Development Council.

Nakatakda ring maglibot ang mga kasapi ng CSC-Multi-Sectoral Advisory Council (MSAC) mula Setyembre 3 hanggang Setyembre 26 sa iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan dito kaugnay ng gagawing Anti-Red Tape (ARTA) Full Compliance Contest.

Magkakaroon din ng Orientation on Human Resource (HR) Plan at Strategic Performance Management System (SPMS) na gaganapin sa LGU-Pilar sa pangunguna din ng CSC sa darating na ika-19 hanggang ika-20 ng Setyembre.

Ayon kay Dir. Lucero mahalaga umanong magtutunan ng bawat sangay ng pamahalaan ang paggawa ng HR Plan sapagkat matutugunan nito ang suliranin sa hindi pagtutugma ng kakayanan ng mga kawani at pangangailangan ng isang ahensya.

Ika-21 naman ng Setyembre gaganapin ang pagpapaganda pa ng landscape ng CSC Provincial office ground.

Iaanunsyo naman ang mga nagwagi sa ARTA Contest sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Philippine Civil Service Month sa Setyembre 28. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment