Friday, September 7, 2012

Kampo ng mga rebelde nakubkob ng mga militar

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, September 7 (PIA) – Nagpapatuloy ang operasyon ng mga miltar dito sanhi ng naganap na pagpapalitan ng putok kahapon, alas diyes ng umaga sa Brgy. San Isidro, Sitio Kapirikuhan, Bulusan Sorsogon matapos na makubkob ng mga pwersa ng pamahalaan ang isang kampo ng mga rebelde dito.

Ayon kay Col. Teody Toribio, Battalion Commander ng 31st Infantry Battalion, ang nasabing kampo ay matagal na nilang sinusubaybayan at kahapon nga ay isinagawa nila ang operasyon na naging sanhi upang magkaroon ng 20-minutong pagpapalitan ng putok sa pagitan ng dalawang panig.

Nasa 45 mga rebeldeng armado ng de-kalibreng armas na kinabibilangan ng dalawang M60 machine gun at dalawang 2-mini automatic squad ang nakaengkwentro ng mga militar.

Matapos ang palitan ng putok ay mabilis na tumakas ang mga rebelde dala ang limang patay at ilang mga sugatang kasamahan.

Naiwan sa lugar ang dalawang patay sa panig ng mga militar na kinilalang si PFC Romy D. Dacuro na residente ng Sea Breeze Homes Cabid-an, Sorsogon City at PFC Michael E. Bigay na residente naman ng Brgy. Caroyroyan, Pili, Camarines Sur.

Habang ang mga sugatan sa panig ng pamahalaan ay agad namang dinala sa V. Luna Hospital sa Quezon City at kinilalang si PFC Jaypee A. Retardo na malubha ang tama habang dinala naman sa isang ospital sa Sorsogon sina Cpl Rolando Cruzado at Cpl Rodel Llandelar na hindi naman gaanong malubha ang tama at deklaradong ligtas na.

Narekober sa kampo ang mga pampasabog at iba pang mga kagamitan ng mga rebelde.

Agad ding nagpadala ng karagdagang pwersa si 903rd Infantry Brigade Commander Col. Felix J. Castro, Jr. upang tugisin ang mga nakatakas na rebelde.

Samantala, noong Setyembre 4, 2012, isang abandonadong kampo ng mga rebelde ang nadiskubre naman ng mga militar sa Brgy. San Ramon, Barcelona, Sorsogon. Ang kampong ito ay matagal na ring sinusubaybayan ng mga militar. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment