Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, September 11 (PIA) –
Nilinaw ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang kanilang
patakaran sa benepisyong ibinibigay sa mga kasapi at deklaradong dependent ng
kasapi ng Philhealth.
Ayon kay Philhealth Sorsogon Member Services
Division Head Marian Garcia, maaring makabenepisyo ng makailang ulit ang kasapi
ng Philhealth at dependent nito ng hospitalization benefit sa magkakaibang uri
ng sakit, subalit sa magkatulad na sakit, sinusunod nila ang one-time
confinement ng benepisyaryo.
Aniya, sa magkatulad na sakit, maaaring
magamit muli ang Philhealth hospitalization benefit makalipas ang 90 araw o
tatlong buwan, subalit kung magkaiba ang sakit, kahit
pa nakapaloob ito sa 90 days confinement, matatamasa pa rin ng pasyente ang
philhealth hospitalization benefit.
Nilinaw din niya na hidi
pinapayagan ng Philhealth ang multiple claim o pagdeklara ng isang dependent ng
dalawang kasapi ng Philhealth.
Ibinigay niyang halimbawa ang
mag-asawang kapwa kasapi ng Philhealth na may isang anak, dapat umanong isa
lamang sa kanila ang magki-claim sa anak bilang dependent at hindi maaaaring
gawing kapwa dependent nila ito. Kung may dalawa o higit pang anak, pag-usapan
na lang umano ng mag-asawa kung paanong paghahatian kung sino sa mga anak nila
ang idedeklarang dependent ng bawat isa sa kanila.
Ipinaliwanag din niya na
sakaling hindi na makapaghulog sa Philhealth ang isa sa mag-asawa dahilan sa
maaaring nawalan ng trabaho o wala nang panghulog, maaari umanong ilipat bilang
benipisyaryo ang anak sa asawang nananatiling kasapi ng Philhealth. Kailangan
lamang umanong sundin ang sumusunod na proseso: pumunta sa tanggapan ng Philhealth,
magdala ng birth certificate o baprismal certificate ng anak, dapat na ang
mag-asawa ay kapwa magpi-fill-up ng Philhealth Member Registration Form (PMRF)
subalit yaong maglilipat ng dependent ay dapat na ideklara sa dokumento na “for
omission” o tatanggalin na ang pangalan ng anak sa listahan ng kanyang
dependent.
Samantala, sa pagpoproseso ng
mga dokumento ng Philhealth, tiniyak ni Garcia na aabutin lamang ng dalawa
hanggang limang minuto ang mga transaksyon sa kanilang tanggapan, depende umano
kung on-line sila at sa dami ng kliyente nila sa partikular na oras.
(BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment