Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, September 12 (PIA) –
Hamon subalit isang malaking inspirasyon sa mga lokal na pamahalaan at
mamamayan ang hatid ng ipinakitang tagumpay ng mga ipinatupad na programa ng
pamahalan sa bayan ng Juban, Sorsogon.
Sa naging paglilibot noong Setyembre 6,
2012 ng mga kasapi ng media at iba pang stakeholder ng programang Pantawid
Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Kalahi-CIDSS at Pamana Project sa bayan ng
Juban na pinatnubayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)
Bicol, nakita ng mga bisita kung paanong nagkaisa, maayos na pinalakad at
ginasta ang perang inilaan para sa mga programang pang-imprastruktura,
pang-edukasyon, pang-agrikultura at iba pa sa nasabing bayan.
Sa ilalim ng Kalahi-CIDSS project,
naipagawa sa Brgy. Rangas ang Brgy. Health Station na pinondohan ng
P799,989.00. Dahilan sa maayos na paggasta ng pondo at buong suportang ibinigay
ng mga benepisyaryo, nagkaroon pa ng sobra sa pondo kung kaya’t nakapagpatayo
pa sila ng isang multi-purpose hall mula sa naitabi nila sa pagpapatayo ng
health center.
Sa Brgy. Taboc naman, ang 600 metrong
pathway na nasa project proposal at pinondohan ng P1,436,359.00 ay naging 680
metrong pathway na nang matapos. Maliban sa proyektong ito ay nakapaglagay din
sila ng maayos na irigasyon na may habang 160 metro at pinondohan ng P535,
899.00. Umabot din 24 na ektarya ng sakahan ang sa ngayon ay nanginginabang na
sa inilagay na irigasyon.
Ipinagmamalaki din ng Brgy. Taboc na sa
ngayon ay maayos na nasusustinihan ang proyekto ng irigasyon sapagkat naibigay
na ang operasyon at pagmamantini nito sa isang people’s organization, ang Taboc
Farmers Organization.
Ayon sa ingat-yaman ng barangay, malaking
tulong ang ibinibigay na social preparation sa mga tao sa barangay bago
sinisimulang ipatupad ang mga proyekto sapagkat mas naiintindihan ng mga
residente ang kahalagahan ng proyekto.
Sa Brgy. Embarcadero, kitang-kita naman
kung gaano nagkakaisa ang mga residente lalo na ang mga benepisyaryo ng tatlong
proyekto. Karamihan sa mga testimonya ay nakatuon sa kung paanong natulungan
ang edukasyon ng mga mag-aaral, relasyon ng pamilya at antas ng pamumuhay ng
mga benepisyaryo.
Ayon kay DSWD Bicol regional director Remia
Tapispisan, layon nilang sa pamamagitan ng paglalahad na ito ng tagumpay ng
bayan ng Juban ay mabibigyan ng inspirasyon ang iba pang mga lokal na
pamahalaan na ipatupad din ng maaayos ang mga proyekto ng pamahalaan sa
kanilang lugar. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment