Wednesday, September 12, 2012

Pagkakaisa at tamang paghawak sa pondo, susi sa tagumpay ng mga proyekto ng pamahalaan sa Juban, Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, September 12 (PIA) – Hamon subalit isang malaking inspirasyon sa mga lokal na pamahalaan at mamamayan ang hatid ng ipinakitang tagumpay ng mga ipinatupad na programa ng pamahalan sa bayan ng Juban, Sorsogon.

Sa naging paglilibot noong Setyembre 6, 2012 ng mga kasapi ng media at iba pang stakeholder ng programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Kalahi-CIDSS at Pamana Project sa bayan ng Juban na pinatnubayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol, nakita ng mga bisita kung paanong nagkaisa, maayos na pinalakad at ginasta ang perang inilaan para sa mga programang pang-imprastruktura, pang-edukasyon, pang-agrikultura at iba pa sa nasabing bayan.

Sa ilalim ng Kalahi-CIDSS project, naipagawa sa Brgy. Rangas ang Brgy. Health Station na pinondohan ng P799,989.00. Dahilan sa maayos na paggasta ng pondo at buong suportang ibinigay ng mga benepisyaryo, nagkaroon pa ng sobra sa pondo kung kaya’t nakapagpatayo pa sila ng isang multi-purpose hall mula sa naitabi nila sa pagpapatayo ng health center.

Sa Brgy. Taboc naman, ang 600 metrong pathway na nasa project proposal at pinondohan ng P1,436,359.00 ay naging 680 metrong pathway na nang matapos. Maliban sa proyektong ito ay nakapaglagay din sila ng maayos na irigasyon na may habang 160 metro at pinondohan ng P535, 899.00. Umabot din 24 na ektarya ng sakahan ang sa ngayon ay nanginginabang na sa inilagay na irigasyon.

Ipinagmamalaki din ng Brgy. Taboc na sa ngayon ay maayos na nasusustinihan ang proyekto ng irigasyon sapagkat naibigay na ang operasyon at pagmamantini nito sa isang people’s organization, ang Taboc Farmers Organization.

Ayon sa ingat-yaman ng barangay, malaking tulong ang ibinibigay na social preparation sa mga tao sa barangay bago sinisimulang ipatupad ang mga proyekto sapagkat mas naiintindihan ng mga residente ang kahalagahan ng proyekto.

Sa Brgy. Embarcadero, kitang-kita naman kung gaano nagkakaisa ang mga residente lalo na ang mga benepisyaryo ng tatlong proyekto. Karamihan sa mga testimonya ay nakatuon sa kung paanong natulungan ang edukasyon ng mga mag-aaral, relasyon ng pamilya at antas ng pamumuhay ng mga benepisyaryo.

Ayon kay DSWD Bicol regional director Remia Tapispisan, layon nilang sa pamamagitan ng paglalahad na ito ng tagumpay ng bayan ng Juban ay mabibigyan ng inspirasyon ang iba pang mga lokal na pamahalaan na ipatupad din ng maaayos ang mga proyekto ng pamahalaan sa kanilang lugar. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: