Thursday, September 13, 2012

Pogramang YES-O, suportado ng BFP Sorsogon City


Ni: Jun Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Setyembre 13 (PIA) – Sinabi ni BFP Sorsogon City Fire Marshal Senior Insp. Walter Badong Marcial na patuloy sila sa kanilang mga aktibidad tulad ng pagsasagawa ng serye ng mga seminar at first aid training sa mga paaralan dito sa syudad ng Sorsogon.

Pangunahing lumahok dito ay ang mga mag-aaral sa elementarya ng Youth for Environment School o mas kilala sa tawag na YES-O Program kung saan layon ng naturang hakbang na masigurong naipapatupad ang Republic Act 9512 o Environment Awareness and Education Act of 2008 at RA 9729 o Climate Change Act.

Ayon pa kay Marcial, napapanahon ang kanilang aktibidad dahilan sa nararanasang pagbabago ng panahon na biglang iinit at bigla namang bubuhos ang malalakas na ulan.
Gayunpaman malaki aniya ang kahalagahan ng kanilang itinuturo sa mga bata sa elementarya sapagkat maaga silang matututo ng kalaalamang pangkaligtasan na maaring magamit nila sa panahon ng emerhensiya at iba pang may kaugnayan sa kalamidad.
Sinabi pa ng opisyal na katatapos pa lamang nila ng naturang aktibidad sa tatlong malalaking paaralan sa syudad habang inaayos na lamang nila ang tamang skedyul para sa mga susunod na target pa nilang paaralan.

Isinalaysay din ni Marcial ang iba pang itinuro nila katulad ng fire safety tips, cardiopulmonary resuscitation, pagbebenda, splinting at tamang pagbubuhat ng mga naaksidente.Kasama rin sa mga itinuro ang mga dapat gawin sa panahong may lindol at sunog para sukatin ang kakayahan ng mga bata sakaling maharap sa nasabing kalamidad at sitwasyon.

Hinikayat ng BFP ang publiko na maging mapagmatyag sa kanilang kapaligiran at aktibong makiisa sa ganitong uri ng mga aktibidad upang makamit ang mamamayang ligtas sa sunog.Maari naman silang matawagan sa numerong 09072927215 o sa kanilang hotline na 160. (FBTumalad/BAR, PIA Sorsogon/MGCorral, BFP)

No comments: