Thursday, September 13, 2012

Gender Sensitivity Seminar bahagi ng pagdiriwang ng Phil Civil Service Month


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, September 14 (PIA) – Limampung kalahok ang inaasahang dadalo bukas sa isasagawang Gender Sensitivity Seminar mula sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan na kinabibilangan ng mga naabusong kababaihan, mga kabataan, kasapi ng Provincial Gender Advocacy and Development Council (PGADC) at mga focal person ng lalawigan.

Ayon kay Sangguniang Panlalawigan Board Member at Vice Chairperson ng PGADC Rebecca Aquino, ang aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ngayong taon ng Philippine Civil Service Month kung saan layunin nitong mapalalim pa ang kamalayan ng mga kalahok lalo na ang mga kabataan ukol sa papel na ginagampanan ng mga kababaihan at kalalakihan bilang kasapi ng maayos na komunidad.

Layunin din ng seminar na mabigyang-linaw at baguhin ang ilang mga maling kaugalian, tradisyon at kaisipan o pananaw na matagal na pinaniwalaan ng lipunan na naging sanhi upang mawala ang tunay na kahulugan ng pantay na responsibilidad at papel ng mga kababaihan at kalalakihan sa lipunang kanilang ginagalawan.

Naisakatuparan ang nasabing seminar sa pagtutulungan ng Civil Service Commission Sorsogon Field Office, Sangguniang panlalawigan at ng PGADC. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: