Monday, September 10, 2012

Tagumpay ng mga proyekto ng pamahalaan ipinagmalaki ng bayan ng Juban


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, September 10 (PIA) – Ipinagmalaki ng bayan ng Juban ang naging sistema nila ng pagpapatupad ng mga proyekto sa kanilang bayan partikular ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive Integrated Delivery of Social Service (KALAHI-CIDSS) at Pamana Program na ipinatupad sa ilalim ng patnubay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay Juban Municipal Mayor Jimmy Fragata, ang mga programang ito lalo na ang Kalahi-CIDSS ay gantimpala nila mula sa DSWD regional office 5 dahilan sa pagiging regional awardee nila pagpapatupad ng proyektong Kalahi CIDSS – KKB.

Inisa-isa din niya ang naging mga kontribusyon at kadahilanan sa matagumpay na pagpapatupad nila ng mga proyektong ito kabilang na ang tulong pinansyal at materyal, labor counterpart at maayos na paggasta ng pondo na dinagdagan nila ng dedikasyon, kooperasyon, aktibong partisipasyon, pagsasakripisyo at bayanihan, at higit sa lahat ay ang idinagdag nilang pawis, dugo at pasensya hanggang sa tuluyang maipatupad ang mga proyektong ito.

Sa isinagawang collaboration meeting at Media and Stakeholder’s Visit sa Juban noong Huwebes, Setyembre 6, 2012, inilibot ang mga dumalo sa mga barangay ng Rangas, Taboc at Embarcadero sa Juban upang personal na makita ng mga ito ang proyektong matagumpay na naipatupad at marinig ang mga testimonya ng mga benepisyaryo at kung paano silang nabenepisyuhan ng mga proyekto ng 4Ps, mga imprastruktura at irigasyon.

Ayon kay Gemma Haboc, parent leader at benepisyaryo ng 4Ps sa Brgy. Taboc, malaki ang pasasalamat nila sa programa ng pamahalaan kung saan totoong naramdaman nila ang benepisyo nito. Aniya, kung dati ay kapos sila sa pagpapaaral ng anak, ngayon ay nabibili na nila ang kailangang gamit ng mga ito sa paaralan at ang kinikita ng asawa niyang magsasaka ay naidadagdag na nila sa ibang mga gastusin tulad ng unti-unting pagpapa-ayos nila ng kanilang bahay. Natitiyak din umano nilang mapapangalagaan ang kanilang kalusugan sa tulong ng pagpapalista sa kanila bilang kasapi ng Philhealth nang walang iisiping anumang babayaran.

Ayon naman sa mga tagapagpatupad ng programa sa bayan ng Juban, sinabi ni Lispeth Nicolas na malaking bagay sa tagumpay ng mga programa ang political will, magandang relasyon kung saan nagtatrabaho sila bilang isang pamilya at walang nagaganap na kumpetisyon sa bawat isa, at buong-buong pagtanggap ng programa sa panig ng tagapagpatupad at benepisyaryo. (BARecebido, PIA Sorsogon)



No comments: