Tuesday, September 18, 2012

LTO Sorsogon nagsagawa ng Libreng pagsasanay sa mga kapulisan sa tamang pagmamaneho at tamang pangangalaga ng mga sasakyan


Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.

LUNGSOD NG SORSOGON, September 18, (PIA) – Sinabi ni Sorsogon Police Community Relations Officer Police Chief Inspector Nonito F. Marquez ng Sorsogon Police Provincial Office (SPPO) na nagsagawa ng libreng pagsasanay sa hanay ng mga kapulisan ang Land Transportation Office (LTO) Sorsogon noong nakaraang linggo na ginanap ito sa Kampo Escudero Sr. , lungsod ng Sorsogon.

Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ni Sorsogon Police Provincial Director PSSupt. John CA Jambora. Naging guest lecturer dito si Ginoong Ricardo Nepomuceno, Supply Officer ng LTO-Sorsogon habang nagbigay naman ng pambungad na pananalita si PCI Erwin Doma, Administrative Officer at iprinisinta ni P/Supt. Robert AA Morico, tumatayong Deputy provincial Director for Administration ng Sorsogon Police Provincial Office ang naging paksa ng isang araw na pagsasanay.

Ayon kay PCI Marquez ang pagsasanay sa hanay ng mga kapulisan ay may kaugnayan sa tamang pangangalaga ng mga sasakyan na itinalaga para sa kanilang mga yunit nang sa gayon ay epektibo at mabilis itong makapaghahatid ng napapanahong serbisyo publiko.

Pagkatapos ng masusing pagsasanay ay  sumunod ang pagtuturo ng Defensive Driving Strategies upang makaiwas sa malalaking aksidente, pagtuturo ng dagdag kaalaman sa tamang paggamit ng hazard light, stop light at signal lights sa oras na nasiraan sila o di kaya’y tatabi ng daan at  liliko sa pakrus na kalsada.

Binigyan din ang mga kalahok ng dagdag kaalaman sa pagbibigay-daan lalong-lalo na sa mga maliliit na sasakyan at maging sa malalaking mga sasakyan.

Ayon kay Nepomuceno, ang tagapagpatupad ng batas ang siyang dapat na unang kinakikitaan ng magandang halimbawa at totoong sumusunod sa ipinapatupad nilang batas upang matuto ring sumunod ang publiko.

Dinaluhan ang aktibidad ng mga tauhan ng pulis mula pa sa ibat-ibang istasyon ng pulisya sa buong lalawigan ng Sorsogon. (FBTumalad/BARecebido, PIA Sorsogon/ SPPO-PCRO)

No comments:

Post a Comment