Tuesday, September 18, 2012

Tulay sa Pto. Diaz, pinatitibay pa ng DPWH-S2DEO


LUNGSOD NG SORSOGON, September 18 (PIA) – Tuloy-tuloy ngayon ang ginagawang pag-aayos ng tulay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Sorsogon 2nd District Engineering Office (S2DEO) sa Brgy. Pongco sa bayan ng Pto. Diaz, Sorsogon upang matiyak na higit pang magiging matibay ito.

Batay sa impormasyong ipinaabot sa tanggapan ng PIA Sorsogon ni DPWH District Engineer Juanito Alamar ang naturang tulay ang natatanging daanan upang makatawid mula sa bayan ng Pto. Diaz patungo sa distrito ng Bacon sa lungsod ng Sorsogon.

Aniya ang nasabing tulay ay unti-unti nang nasira dahilan sa haba na ng panahong isinerbisyo nito sa lahat ng uri ng mga sasakyang dumadaan dito at dahilan din sa pagkakalantad nito sa mga natural na kalamidad kung kaya’t nangailangan na itong isailalim sa major repair.

Mahigit sa anim na milyon ang pondong inilaan dito na nakuha ng Alpha Ryder Construction and Supplies upang magpatupad ng pagsasa-ayos ng tulay.

Si Eng. Jessie Baluyot, hepe ng Sorsogon 2nd District Engineering Office Soil and Materials Quality Control Section ang naatasan bilang Project Engineer at si Engr. Eduardo Jebulan naman ang itinalagang inspektor ng proyekto.

Sa kasalukuyan ay isangdaang porsyento nang naipatupad ang pagsagawa ng detour o alternatibong daanan at pagtanggal ng mga istrukturang dapat alisin habang nasa 18.64% pa lamang ang nagagawa sa tulay.

Ayon kay Alamar mahalaga ang nabanggit na proyekto sa paglago at pagsusulong ng kaunlaran sa mga residente partikular sa bayan ng Pto. Diaz. (FBTumalad/BARecebido, PIA Sorsogon/HEDeri, DPWH-S2DEO)

No comments:

Post a Comment