Friday, October 26, 2012

Kampanya ng NKTI at PIA sa tamang pangangalaga ng bato patuloy



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 26 (PIA) – Nagpapatuloy pa rin ang adbokasiya ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at Philippine Information Agency (PIA) kaugnay ng tamang pangangalaga sa ating mga bato.

Sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng tamang impormasyon sa tulong na rin ng mga mamamahayag ay maiiwasan ang anumang pagkasira ng bato o kidney sanhi ng maling sistema ng pamumuhay o unhealthy lifestyle.

Panawagan ng NKTI at PIA sa publiko, bata man o matanda na maging maingat sa pagpili ng mga kinakain at iwasan yaong mga maaalat, matataba, mamantika at sobrang matatamis na pagkain, iwasna ang paninigarilyo at magkaroon ng tamang ehersisyo araw-araw.

Ipinapayo din ng dalawang ahensya na magkaroon ng taunang pagpapasuri ng ihi o sumailalim sa tinatawag na urinalysis upang mabigyan ng kaukulang medikasyon o lunas sakaling may madiskubreng diperensya sa ihi nang sa gayon ay hindi na ito lumala pa at tuluyang mauwi sa sakit sa bato.

Kadalasang nauuwi sa dialysis ang kaso ng mga sakit sa bato na hindi naagapan na nagdudu lot nga malaking suliranin sa mga pasyente at kamag-anak nito dahilan sa malaking gastusin at abala sa pagpapaospital.

Ang dialysis ay isang paraan ng paglilinis at pagpapalit ng dugo sa isang pasyenteng tuluyan nang nasira ang bato gamit ang isang dialysis machine. Ang dialysis machine ang nagsisilbing kidney ng pasyenteng nasira na ng tuluyan ang dalawang bato at hindi na magampanan ang kanyang trabaho sa katawan ng tao dahilan upang manghina at tuluyang ikamatay ng pasyente.

Maaring gumastos ng tatlong libo o mahigit ang isang pasyenteng isinasailalim sa dialysis bawat isang sesyon. Isa o dalawang sesyon g dialysis ang maaaring kaharapin ng isang pasyente linggo-linggo depende sa kondisyon nito. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment