Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 27 (PIA) –
Sabay sa pagdiriwang ng ika-apat na anibersaryo ng pagkakatatag ng 903rd Infantry
Brigade ng 9th Infantry Division ng Philippine Army nitong ika-19 ng Disyembre
ay nanumpa ang mga bagong opisyal ng Barangay Defense System (BDS) ng 34 na mga
barangay sa bayan ng Castilla, Sorsogon.
Ang panunumpa ay pinangunahan ni Provincial
Government Chief of Staff Daniel P. Jazmin III bilang kinatawan ni Sorsogon
Governor Raul R. Lee at inasistihan naman ni 903rd Infantry Brigade Commanding
Officer Col. Joselito E. Kakilala.
Sa naging panunumpa, muling ipinaalala sa
mga opisyal ang mahalagang papel na ginagampanan at responsibilidad ng bawat
opisyal ng BDS sa pagkamit ng tunay na kapayapaan at kaunlaran ng isang
komunidad.
Ang BDS ay bahagi ng kumprehensibong plano
ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas kaugnay ng mga inisyatibong pangkapayapaan at
pangkaunlaran partikular sa mga lugar na may suliranin sa insurhensiya. Sa
sistemang ito ay mismong ang mga kasapi ng barangay ang nagbabantay sa kanilang
komunidad sa pamamagitan ng pagkakaisa, pag-iwas sa paggamit ng dahas at armas
at pagtulung-tulungan para sa pag-unlad ng kanilang komunidad.
Sa naging mensahe ni 903rd Infantry Brigade
Commanding Officer Col Kakilala, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng
kooperasyon at bayanihan ng bawat komunidad sa mga programang ipinatutupad ng
pamahalaan. Tinalakay din niya ang ugat ng kahirapan sa bansa na aniya’y pinagsisikapan
ng pamahalaan na mabigyan ng solusyon sa pamamagitan ng tamang edukasyon at pagbibigay
ng mga programang pangkabuhayan.
Positibo din ang opisyal na sa tulong ng
mga residente ay muling makukuha ng 903rd Infantry Brigade ang karangalan
bilang Best Brigade para sa taong 2012.
Kitang-kita naman ang buong suporta ng mga
barangay sa Castilla kung saan nanatili ang mga ito hanggang sa huling bahagi
ng programa na inabot hanggang gabi. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment