Thursday, December 27, 2012

Mga bagong opisyal ng BDS sa Castilla nanumpa



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 27 (PIA) – Sabay sa pagdiriwang ng ika-apat na anibersaryo ng pagkakatatag ng 903rd Infantry Brigade ng 9th Infantry Division ng Philippine Army nitong ika-19 ng Disyembre ay nanumpa ang mga bagong opisyal ng Barangay Defense System (BDS) ng 34 na mga barangay sa bayan ng Castilla, Sorsogon.

Ang panunumpa ay pinangunahan ni Provincial Government Chief of Staff Daniel P. Jazmin III bilang kinatawan ni Sorsogon Governor Raul R. Lee at inasistihan naman ni 903rd Infantry Brigade Commanding Officer Col. Joselito E. Kakilala.

Sa naging panunumpa, muling ipinaalala sa mga opisyal ang mahalagang papel na ginagampanan at responsibilidad ng bawat opisyal ng BDS sa pagkamit ng tunay na kapayapaan at kaunlaran ng isang komunidad.

Ang BDS ay bahagi ng kumprehensibong plano ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas kaugnay ng mga inisyatibong pangkapayapaan at pangkaunlaran partikular sa mga lugar na may suliranin sa insurhensiya. Sa sistemang ito ay mismong ang mga kasapi ng barangay ang nagbabantay sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagkakaisa, pag-iwas sa paggamit ng dahas at armas at pagtulung-tulungan para sa pag-unlad ng kanilang komunidad.

Sa naging mensahe ni 903rd Infantry Brigade Commanding Officer Col Kakilala, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng kooperasyon at bayanihan ng bawat komunidad sa mga programang ipinatutupad ng pamahalaan. Tinalakay din niya ang ugat ng kahirapan sa bansa na aniya’y pinagsisikapan ng pamahalaan na mabigyan ng solusyon sa pamamagitan ng tamang edukasyon at pagbibigay ng mga programang pangkabuhayan.

Positibo din ang opisyal na sa tulong ng mga residente ay muling makukuha ng 903rd Infantry Brigade ang karangalan bilang Best Brigade para sa taong 2012.

Kitang-kita naman ang buong suporta ng mga barangay sa Castilla kung saan nanatili ang mga ito hanggang sa huling bahagi ng programa na inabot hanggang gabi. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: