Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 21 (PIA) –
Muling hiningi ni Philippine National Police (PNP) Sorsogon Provincial Director
PSSupt John CA Jambora ang tulong ng media sa pagpapaabot sa publiko ng
kanilang kampanya laban sa mga loose fire-arms.
Inatasan din nito ang kanyang mga tauhan na
maging mahigpit sa pagpapatupad ng batas ukol dito.
Ang atas ay alinsunod sa Republic Act 8249
o ang batas kaugnay ng ilegal na pagmamay-ari, paggawa at pagbenta ng mga baril,
bala at mga pampasabog.
Aniya, dapat na i-surender ng sinumang
indibidwal ang mga baril o armas na walang lisensya o hindi na-renew ang
lisensya sa takdang panahon nang sa gayon ay hindi ito magamit sa anumang
kaguluhang may kaugnayan sa eleksyon sa susunod na taon.
Nagpa-alala din ang opisyal na simula sa
Enero 13, 2013 ay mahigpit nang ipatutupad ang election gunban at check-point
sa buong bansa kung saan dito ay muling magsasanib pwersa ang PNP, Comelec at
Armed Forces of the Philippines (AFP) upang maipatupad ito.
Alinsunod sa Comelec Resoultion 9385
magtatagal ang pagpapatupad ng gun ban hanggang sa Hunyo 12, 2013. Bahagi din
ito ng pagpapatupad ng Republic Act 166 na nagsasaad ng mga patakaran ukol sa
pagdadala ng mga armas tulad ng baril sa panahon ng kampanya at eleksyon, lokal
man o nasyunal.
Samantala, mahigpit ding ipinatutupad ng Criminal
Investigation and Detection Group (CIDG) ang kanilang “Oplan Paglalansag Omega”
kung saan nakapaloob dito ang kampanya nila upang matukoy at mahuli ang mga
taong may mga itinatagong loose firearms.
Positibo din ang mga awtoridad na sa
pamamagitan ng kooperasyon ng komunidad lalo sa pagbibigay ng mga tip at
impornasyon sa kanila ay maiiwasan na ang mga karahasang dala ng paggamit ng
mga illegal na baril na kadalasang nauuwi sa karumal-dumal na krimen.
Sa Sorsogon, umaabot sa 1,070 ang
naitatalang loose firearms kung saan 60 dito ang non-renewed habang 430 dito ay
revoked o nawawala. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment