Friday, May 18, 2012

DTI magsasagawa ng ‘Diskwento Caravan’ sa mga barangay


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 18 (PIA) – Bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase para sa pasukan ngayong 2012-2013, magsasagawa ang Department of Trade and Industry (DTI) ng pag-iikot sa mga barangay kung saan manginginabang ang mga residente sa mahigit sampung mga barangay sa lungsod ng Sorsogon particular sa distrito ng Bacon.

Ayon kay DTI Sorsogon Provincial Director Leah Pagao, tinagurian nila ang nasabing aktibidad na “Diskwento Caravan: Balik Eskwela Edition”. Ang dalawang araw na pag-iikot sa mga barangay ay gagawin nila sa ika-23 at 24 ng Mayo, ngayong taon.

Kaugnay nito nanawagan ang pamunuan ng DTI Sorsogon sa mga magulang at mag-aaral na samantalahin ang caravan na ito upang makakuha ng malalaking diskwento sa mga ipagbibiling kagamitan sa paaralan at mga pagkaing maaaring maiimbak at gawing pambaon ng mga mag-aaral.

Ayon pa kay PD Pagao, nakipag-ugnayan na rin sila sa mga opisyal ng barangay para sa malawakang pagpapakalat ng impormasyon sa mga residente at maging sa mga tanod ng barangay para sa mapayapa at maayos na pagsagawa ng aktibidad.

Dagdag pa ni PD Pagao na upang mabigyan ng mas mahabang oras ang mga mamimili, ilang mga barangay lalo na yaong mga maliliit na barangay ang pinagsama-sama na lamang nila sa mas malaking barangay kung kayat panawagan din ng opisyal na ngayon pa lamang ay makipag-ugnayan na ang mga ito sa kanilang opisyal sa barangay upang malaman ang maliliit pang detalye ukol sa kung paano silang makakabili ng mga produktong may diskwento.

Sa ika-23 ng Mayo, iikot ang Diskwento Caravan sa barangay San Roque, Maricrum, Balete, Cabarbuhan, Poblacion at Caricaran, habang sa ika-24 ng Mayo ay iikot naman ito sa mga barangay ng Bonga, Salvacion, Sugod at Bon-ot.

Kabilang sa mga malalaking establisimyentong lalahok sa caravan ay ang Liberty Commercial Center (LCC), Centro Department Store, Jeanees Department Store and Supermart, Duka Enterprises, Lucky Educational Supply at Goodluck Commercial. May kanya-kanya ring mga kinatawan ang bawat establisimyentong kalahok upang magabayan din ang mga mamimili. (BArecebido, PIA Sorsogon)


MedCAP pangungunahan ng 903rd Inf Bgde; AFP Chief of Staff magiging panauhin


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 18 (PIA) – Sa patuloy na pagpupunyagi ng mga kasundaluhan na maibahagi ang kanilang serbisyo sa mga residente sa barangay, muling magsasagawa ang 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army sa pangunguna ni Brigade Commander Col. Felix J. castro, Jr., ng mga aktibidad na tinagurian nilang “MedCAP” o Medical Civic Action Program.

Ayon kay 903rd Infantry Brigade Civil Military Officer Capt. Arnel Sabas, ang MedCAP ay gagawin sa Brgy. Sto. Domingo sa Bacon District, Sorsogon City kung saan ipinanganak ang kasalukuyang Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines Gen. Jessie Dellosa na siya ring magiging pangunahing panauhin nila sa kanilang aktibidad bukas, Mayo 19, 2012.

Ayon pa kay Capt. Sabas, malaking karangalan din sa kanilang grupo na dadaluhan ang nasabing aktibidad ng pinakamataas na opisyal ng Hukbong Sandatahan ng bansa.

Ang MedCAP ay kapapalooban ng mga serbisyong kinabibilangan ng ‘Operation Tuli’ kung saan 50 mga kabataan ang manginginabang dito at Dental at Medical mission kung saan isangdaang benepisyaryo naman ang target na manginginabang. Bukas din sa mga residente ang iba pang mga serbisyong ipagkakaloob naman ng mga ekspertong sundalo tulad ng libreng gupit, masahe at iba pa.

Naisakatuparan ang nasabing MedCAP sa pakikipagtulungan sa mga opisyal ng barangay ng Sto. Domingo sa pamumuno ni Punong Barangay Arnel D. Despabiladeras, mga City Health official at ng lokal na pamahalaang panlungsod ng Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

Thursday, May 17, 2012

Mga tauhan ng DoE nagsagawa ng inspeksyon sa mga gasolinahan


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 17 (PIA) – Naglibot kahapon ang ilang tauhan ng Department of Energy (DoE) sa mga gasolinahan dito sa syudad ng Sorsogon.

Layunin ng paglilibot ng mga ito na matiyak kung tama ang sukat at timbang ng mga ikinakarga nilang petrolyo at ipinagbibili sa publiko at malaman kung sumusunod nga ang mga local oil players dito sa pagpapatupad ng tamang presyo ng petrolyo na ibinababa mula sa Metro Manila.

Ayon sa ilang may-ari ng gasolinahan, dumaan sa masusing calibration ang kanilang mga gas machine.

Bumisita rin sa tanggapan ni Sorsogon Vice-Governor Antonio Escudero ang mga kinatawan ng DOE upang alamin ang sistema ng mga gasolinahan at tunay na presyo ng petrolyo sa probinsya.

Samantala, hiniling naman ng Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon kasama ang ilang miyembro ng Multi-Sectoral Group sa DoE na mabigyan sila ng kapangyarihan na disiplinahin ang mga negosyante partikular ang mga nagmamay-ari ng malalaking gasolinahan dito sa Sorsogon lalo na sa larangan ng presyuhan ng mga produktong petrolyo.

Matatandaang ilang mga kunsumidor na dito ang naghahayag ng pagkadismaya sa pagbibingi-bingihan ng mga may-ari ng gasolinahan sa tuwing nagkakaroon ng roll-back sa presyo ng petrolyo. Anila, inaabot pa ng 24 oras at mahigit bago nito maipatupad ang roll back subalit sa tuwing iaanusyo ang pagtaas ay mabilis pa ito sa kidlat.

Kung kaya’t hiling naman ng mga motorista na sana ay huwag isasabay sa oil price increase ang mga petrolyong dating nakaimbak na sa kanilang storage.

Sa orihinal na panuntunan, nakaatang sa DoE ang pag-iinspeksyon sa mga gasolinahan, subalit dahilan sa walang tanggapan ang DoE dito nais ng nasabing multi-sectoral group na mabigayn sila ng kapangyarihang masubaybayan ang pagkilos ng halaga ng petrolyo sa Sorsogon.

Sinabi pa ng DTI Sorsogon na hinihintay na lamang nila ang kasagutan ng DOE na magbibigay sa kanila ng ‘go signal’ upang masubaybayan ang mga gasolinahan sa tuwing may pagtaas at pagbaba sa mga produktong petrolyo nang sa gayon ay maprotektahan ang mga kunsumidor. (FBTumalad/BARecebido, PIA Sorsogon)


GRDP ng Bicol tumaas sa 8.2 porsyento


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 17 (PIA) – Sa pinakahuling datos na ipinalabas ng National Economic and Developmnet Authority, lumalabas na noong 2009, ang Gross Regional Development Product  (GRDP) ng Bicol ay tumaas sa 8.2 percent, pinakamabilis na pagtaas sa lahat ng rehiyon sa bansa.

Ayon sa NEDA ang pagtaas na ito ay dahilan sa mga sumusunod: pagmimina at paghuhukay na tumaas ng 04.6 percent; construction – 7.6 percent; manufacturing – 1 percent; elektrisidad at tubig – 4.2 percent; at services sector – 41.8 percent.

Sa bahagi ng mga serbisyong pampribado, ang turismo ay tumaas din sa 7.6 percent; transport at communication services – 4.2 percent; housing at real estate services – 3.9 percent; trade services – 2.8 percent; finance – 9.5 percent; government services – 7 percent; habang ang agriculture at fishery sector ay tumaas naman sa 4.1 percent.

Lumalabas din na ang per capita GRDP sa rehiyon ay tumaas mula sa P7,210 noong 2008 sa P7,650 noong 2009. Ang pagtaas na ito ang dahilan upang mula sa pagiging pangatlo ay umangat ang rehiyon ng Bicol sa pang-apat sa may pinakamababang per capita GRDP sa buong bansa.

Pagtuloy naman ang pagsisikap ng pamahalaan na makabuo pa rin ng mga oportunidad upang makapagbukas ng trabaho para sa mga mamamayan dito. Ayon sa NEDA, naging malaking tulong din ang turismo sa pagbubukas ng oportunidad sa trabaho dahilan sa pagtaas din ng pangangailangan sa mga serbisyong tulad ng transportasyon, komunikasyon, kalakalan, hotel, kainan at iba pang mga personal na serbisyo.

Sa panig naman ng industriya at kalakalan, ang manufacturing at construction ang may malaking naiambag sa labor sector at sa pagtaas ng per capita GRDP.

Kaugnay nito, naglabas ang NEDA Bicol ng mga hamong maaaring kaharapin ng rehiyon tulad ng mga sumusunod: sustinihan ang mataas at mas komprehensibong pagtaas ng ekonomiya; bigyang atensyon ang pangangailangan ng mga mahihirap; magbukas ng mga oportunidad para sa trabahong matatag at may maayos na pasahod; tiyaking may sapat na suplay ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo; mantinihin ang mababang populasyon at isulong ang tamang bilang ng kasapi ng pamilya; balanseng paggamit at proteksyon ng natural na yaman ng lugar at pag-agapay sa pagbabago ng panahon at tamang paghahanda sa mga kalamidad. (MHatoc/BARecebido, PIA Sorsogon)

Competency Assessment and Certification mula sa TESDA mahalaga


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 17 (PIA) – Hinikayat ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) hindi lamang ang mga Sorsoganon kundi maging ang buong sambayanan na ksumailalim at kumuha ng Competency Assessment and Certification na ibinibigay ng kanilang tanggapan.

Ang Competency Assessment and Certification program ng TESDA ay kumikilatis sa kasanayan at kagalingan ng isang tao upang mas mapataas ang kanyang tsansang makahanap ng trabaho sa loob o labas man ng bansa.

Maaaring kumuha nito anumang oras na may opisina subalit mas magandang naipagbibigay-alam muna ito sa tanggapan ng TESDA upang mas maihanda ang mga kukuha ng assessment certificate.

Matatandaang sa naging pagbisita rin ni TESDA Secretary Joel Villanueva noong nakaraang Abril dito sa Sorsogon, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng National Certificate (NC) o Certificate of Competency (CoC) dahilan sa patuloy na pagdami ng mga kumpanya at kliyenteng naghahanap ng ganitong sertipikasyon bago ibilang ang isang aplikante para sa isang trabaho.

Sa mga nagnanais na mag-aplay para sa Competency Assessment and Certification ay dapat na 1) magsadya ang mga ito sa alinmang TESDA Accredited Assessment Center o di kaya’y TESDA District o Provincial Office na pinakamalapit sa kanilang lugar; 2) dalhin ang mga sumusunod na dokumento: Application Form na may kumpletong lagda; Self-Assessment Guide para sa napiling kwalipikasyon na may tamang datos at kumpletong lagda; tatlong pirasong colored at passport size na larawan na may puting background, suot ang may kwelyong pantaas at may pangalan sa likuran ng larawan; 3) Bayaran ang Assessment Fee sa kahera ng Assessment Center at hingin ang opisyal na resibo; 4) Dumating sa nakatakdang araw at lugar ng assessment na nasasaad sa admission slip.

Ayon sa pamunuan ng TESDA Sorsogon, may mga pagkakataon nagbibigay ng libreng assessment ang TESDA kung kaya’t dapat lamang palagiang makinig sa kanilang mga anunsyo o magtanong sa kanilang tanggapan ng mga updates upang makatipid sa gastusin.

Ang Competency Assessment Result Summary (CARS) ay ibibigay sa nag-aplay pagkatapos ng assessment. Dapat din umanong mag-aplay para sa Certification sa TESDA District o Provincial Office kung saan nabibilang ang Assessment Center na pinagkukunan ng assessment. Ang NC o CoC ay makukuha makalipas ang pitong araw matapos magsumite ng aplikasyon at ire-renew ito sa araw o bago ang araw ng kawalaang-bisa nito, limang taon mula nang ito ay maibigay sa aplikante.

Sa Sorsogon, ilan sa mga assessment centers ng TESDA ay ang Bulusan National Vocational Technical School sa San Jose, bayan ng Bulusan; AMA Computer College sa Sorsogon City at Sorsogon State College-Castilla Campus sa Castilla, Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

Monday, May 14, 2012

IACAT nanawagan sa publiko na pag-ibayuhin ang pag-iingat laban sa mga human trafficker


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 14 (PIA) – Sa pagpapaigting pa ng kampanya ukol sa human trafficking, patuloy ang pamahalaan sa panawagan nito sa publiko lalo na sa mga menor de edad sa kanayunan na pag-ibayuhin pa ng mga ito ang pag-iingat laban sa mga masasamang elemento.

Ang human trafficking ay isang makabagong anyo ng pang-aalipin, pang-aabuso at krimen laban sa tao kabilang na ang sapilitang prostitusyon at child labor, at upang masugpo ang ganitong uri ng krimen, malaking bahagi ang aktibong partisipasyon ng buong komunidad.

Ayon sa Inter-agency Council Against Child Trafficking (IACAT), malimit maganap ang Human Trafficking sa malalayong barangay at mahihirap na mga lugar kung kaya’t pursigido ang anti-human trafficking task force na binubuo ng mga ahensya ng pamahalaan at mga partner nito kabilang na ang Phil. National Police, Department of Interior and Local Government, Philippine Information Agency, Department of Justice, Department of Social Welfare and Development at iba pa na masugpo ang ganitong uri ng krimen.

Ayon kay Atty. Ryan Inoncencio ng IACAT dapat na maiparating agad sa awtoridad ang mga kaso ng human trafficking upang mailigtas ang mga inosenteng mabibiktima ng sistemang ito ng pangangalakal ng tao. Aniya, kadalasang biktima nito ay mga kababaihan, subalit hindi rin isinasantabi na may mga kalalakihang menor de edad na nabibiktima din. 80 porsyento sa kanila ay ibinebenta sa mga casa at prostitution den.
  
Ayon naman sa local inter-agency task force against human trafficking dito, ang probinsya ng Sorsogon ay daanan at lagusan ng mga human traffickers kung kaya’t binabantayan nila partikular ang mga pantalan ng Pilar,Donsol,Matnog at Bulan kung saan dito madalas na itinatawid ang mga nakukuha nilang biktima patungong Metro Manila.

Sinabi ni Atty Inocencio na malaki ang papel na ginagampanan ng lokal na pamahalaan (LGU) upang matigil ang malawakang recruitment sa mga barangay at kanayunan. Dapat din aniyang magkaroon ng maaayos na pagpapatupad ng business regulation system lalo na sa mga panggabing establisimyento tulad ng mga bar o night club upang makontrol ang pagbibigay suporta sa pangangalakal ng mga tao. (BARecebido, PIA Sorsogon)