Thursday, July 5, 2012

PSWMB binigyang komendasyon sa Saringgaya Awards ng DENR


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 6 (PIA) – Inspirasyon ngayon ng mga kasapi ng Pprovincialn Solid Waste Management Board (PSWMB) ang espesyal na pagkilala na iginawad sa kanila ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ginawang Saringgaya Awards ngayong taon.

Binigyan ito ng espesyal na pagkilala dahilan sa natatangi at maayos na implementasyon nito ng Republic Act 9003 o mas kilala bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, at sa ginagawa nitong mga hakbang upang epektibong matulungan ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan (LGU) sa pagpapatupad ng RA 9003 at mga programang pangkapaligiran.

Ilan sa mga nagawa ng PSWMB ay ang pagtulong sa mga LGU na makabuo ng kanilang 10-yr Solid Waste Management Plan, pagpapakilala ng mga teknolohiyang makikita sa lalawigan na makakatulong sa maayos na pamamahala ng mga basura, pagsasagawa ng mga oryentasyon ukol sa Health Care Waste Management at pagsasanay sa mga pollution control officer ng mga ospital sa buong lalawigan, pagsuporta sa Southeast Asia Urban Environmental Management Application (SEA-UEMA) at sa pagpapasa ng mga Executive Order, ordinansa at resoulsyong may kaugnayan sa SWM.

Malaki rin ang naiambag ng PSWMB upang makamit ng limang mga LGU mula sa pitong kalahok sa buong rehiyon ng Bicol ang mga parangal pangkalikasan o environmental achievement award.

Samantala, ngayong araw ay isinasagawa ng PSWMB ang 2nd Quarterly Meeting nito sa Mariculture Park sa Matnog, Sorsogon kung saan tampok sa kanilang adyenda ang paglalahad ng Best Practices on Solid Waste Management ng bayan ng Matnog, paglalahad ng Health Care Waste Management ng mga Pollution Control Officer ng District at Municipal Hospital sa lalawigan, at paglalahad ng Action Plan para sa taong 2012 at implementasyon ng Solid Waste Management Program ng Department of Education (DepEd) Sorsogon Provincial Schools Division.

Ang DepEd Sorsogon Provincial Schools Division ay kinilala din ng DENR bilang Saringgaya 2012 Awardee sa kategoryang Other Government Agency, dahilan sa epektibong pagpapatupad nito ng mga programang pangkapaligiran. (BARecebido, PIA Sorsogon)

NFA Sorsogon namahagi ng I-Rice sa tatlong munisipyo


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 6 – Bilang bahagi ng pakikiisa sa kampanya ukol sa pagpapalaganap ng tamang nutrisyon, nagpapatuloy ang pamamahagi ng iron-fortified rice o I-Rice ng National Food Authority (NFA) Sorsogon sa iba’t-ibang mga bayan sa lalawigan.

Sa pahayag ni NFA General Manager Eliseo Caliwag, sinabi nitong nakapamahagi na sila sa kalahating kwarter ng taon ngayon ng tig-iisang-daang sako ng bigas sa mga bayan ng Irosin, Pto. Diaz at pinakahuli nito lamang Hunyo 28 sa Bulan, Sorsogon.

Magpapatuloy pa umano ito sa iba pang mga bayan sa lalawigan sa mga susunod na buwan.

Nanawagan din ang opisyal sa mga kunsumidor na huwag aalisin sa kanilang hapag-kainan ang iron-fortified rice dahilan sa sustansya at nutrisyong dala nito sa kalusugan.

Samantala, pinayuhan din niya ang mga kunsumidor na huwag mag-aksaya ng kanin sa hapag-kainan. Aniya, sa kanilang tala, umaabot sa 5,360 sako ang arawang kunsumo ng bigas ng mga Sorsoganon. (BARecebido, PIA Sorsogon/HBinaya)

Wednesday, July 4, 2012

Mass Blood Donation Activity isasagawa ng Rotary Club Metro Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 6 (PIA) – Sa ika-sampung taon ng pagsisilbi sa lalawigan ng Sorsogon, isasagawa ng Rotary Club Metro Sorsogon ang isang mass blood donation activity sa darating na Sabado, Hulyo 7, 2012, alas-syete hanggang alas-dose ng umaga sa ACSAT-Sorsogon Campus, Barangay Balogo, lungsod ng Sorsogon.

Ayon kay Rotary Club Metro Sorsogon President Dr. Dennis Donor, layunin ng aktibidad na sa pamamagitan ng pagbibigay ng dugo ay matulungan yaong mga pasyenteng mangangailangan ng dugo upang madugtungan pa ang buhay ng mga ito.

Aniya, bukas ang aktibidad sa mga Sorsoganon na may edad 18 pataas, may timbang na hindi bababa sa 50 kilos, normal ang blood pressure, pulse rate at temperatura.

Mariin ding pinaalalahanan ni Donor ang mga magbibigay ng dugo na hindi sila dapat nakainom ng alak sa nakalipas na 24 na oras bago magpakuha ng dugo, walang tattoo sa katawan at body piercing sa loob ng anim na buwan, hindi buntis at higit sa lahat ay handa itong magpakuha ng dugo.

Ang aktibidad ay bahagi din ng pakikiisa ng grupo sa pagdiriwang ng Blood Donors Month ngayong buwan ng Hulyo at upang makahikayat din ng mga Sorsoganon lalo na ng mga kabataan na boluntaryong magbigay ng dugo.

Tema ngayong taon ang “Every Blood Donor is a Hero”. (BArecebido, PIA Sorsogon/HBinaya)

PDRRMC magsasagawa ng pagpupulong, aktibidad sa obserbasyon ng Nat’l Disaster Consciousness Month ilalahad


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 5 (PIA) – Gaganapin bukas ang ikalawang pagpupulong ngayong taon ng mga kasapi ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRMC) sa Provincial Training Hall sa Sorsogon City upang ilahad ang mga aktibidad kaugnay ng obserbasyon ng National Disaster Consciousness Month ngayong Hulyo sa ilalim ng temang “Ligtas na Bayan Maunlad na Pamayanan”.

Si Dante Bonos ng Sorsogon Provincial Disaster Risk and Management Office (SPDRMO) ang naatasang magprisinta ng mga napagkasunduang aktibidad kaugnay ng mahalagang aktibidad na ito ngayong buwan.

Matatandaang una nang nagpatawag ng pulong ang SPDRMO sa pamumuno ni Chief Raden Dimaano sa mga opisyal ng Municipal at City DRRM noon pang unang linggo ng Hunyo upang talakayin at balikan ang mga inisyatibang nagawa noong nakaraang taon kaugnay ng pag-obserba ng National Disaster Consciousness Month kabilang na ang naging aktibong partisipasyon ng SPDRMO sa dalawang araw na SMART School Design at Camp Management and Coordination kung saan napiling model barangay ang Balogo sa Sorsogon City at ang paglalagay ng mga safety signage sa palibot ng Mt. Bulusan.

Ayon kay SPDRMO Chief Engr. Raden Dimaano, ilang mga aktibidad na rin ang nagawa ng PDRRMC noong nakaraang buwan ng Hunyo alinsunod na rin sa ipinalabas na Memorandum ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na may petsang Hunyo 4, 2012 kung saan lahat ng mga DRRMC ay inatasang magsagawa ng Information Education Campaign (IEC) ukol sa lindol at sabay-sabay na pagsasagawa ng 2nd quarter earthquake drill bago matapos ang Hunyo upang mapataas pa ang kamalayan ng publiko at malinang ang kahandaan ng komunidad sa pag-iwas sa mga malalaking panganib sa panahong nagkakaroon ng lindol.

Nakatakda ring ilahad sa mga kasapi ng PDRRMC ang naging resulta ng ginawang Media Practitioner Disaster Risk Reduction-Climate Change Adaptation (DRR-CCA) workshop orientation noong Hunyo 8-9, 2012 kung saan ilang mga suhestyon at rekomendasyon ang ibinigay ng lokal na media na lumahok sa aktibidad na makakatulong upang mapaigting pa ang ugnayan ng mga mamamahayag at ng local DRRMC partikular sa pagpapaabot ng mahahalagang impormasyon sa panahong may mga kalamidad. (BARecebido, PIA Sorsogon)

17th PCR Month kicks-off, June 2


By: Bennie A. Recebido

SORSOGON CITY, June 3 – The Sorsogon Police Provincial Office (SORPPO) joins the whole PNP organization nationwide in celebrating the 17th Police Community Relations (PCR) Month this July 2012.

PSI Eliza Paje, PCR chief and Public Relations Officer of Sorsogon PPO said that the celebration of this year’s PCR Month in SORPPO started initially with the hanging of streamers on the first day of July, and of official kick- off ceremony on July 2, 2012 with the traditional Flag Raising Ceremony inside the Camp Salvador C. Escudero, Sr, Sorsogon City.

Following the flag raising ceremony is the presentation of awards to the following individual, Local Government Unit (LGU) and group or institution: Best LGU - Sorsogon City wherein certificate of Recognition was received by City Administrator Police Chief Superintendent Ireneo B. Manaois (Ret.); Best NGO – Bicol Emergency Response Network, Sorsogon Chapter; and Best Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) – Brgy Catamlangan Pilar, Sorsogon.

Awarded as Best PCR- Municipal Police Station is Bulan Municipal Police Station; Best PCR City Police Station is Sorsogon City Police Station; while chosen as Best PCR Police Non-Commissioned Officer is SPO2 Edgar A. Calupit Sr.

The month long observance is mandated by Presidential Proclamation No. 764, which declares the month of July every year as Police Community Relations Month with the NAPOLCOM as the lead agency.

The theme for this year’s celebration is: “Mamamayan at Kapulisan: Patuloy ang Ugnayan sa Higit na Ligtas, Mapayapa at Maunlad na Pamayanan”.

National Police Commission (NAPOLCOM) Sorsogon Hearing Officer Atty. Louie E. Toldanes who was also the Guest of Honor and Speaker during the official kick-oof activity said that such theme for this year’s celebration of PCR Month is a manifestation of the established and continuing partnership of the community and the police towards the attainment of a more safe, orderly and progressive community. (BARecebido, PIA Sorsogon/SPPO)
Photo: PO2 Mike Espena, SPPO


Suplay ng bigas sa Sorsogon sapat, ayon sa NFA


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 4 (PIA) –Tiniyak ni National Food Authority (NFA) Sorsogon General Manager Eliseo Caliwag na sapat ang suplay ng bigas sa lalawigan hanggang sa Disyembre ngayong taon.

Ayon kay Caliwag, 35,000 sako pa ng bigas ang nakaimbak sa bodega ng NFA at 108,000 na sako din ng palay ang nasa kiskisan ngayon, sapat umano ito upang matustusan ang pangangailangan ng mga Sorsoganon hanggang sa katapusan ng taon at maging hanggang sa buwan ng Enero sa susunod na taon.

Aniya, hindi kasali sa bilang ang posible pang anihin sa darating na buwan ng Setyembre at Oktubre. Maliban dito ay inihayag din ng opisyal na wala pang importasyon ng bigas na ginawa ang lalawigan subalit tiniyak niyang sapat ang kasalukuyang suplay sa panganagilangan ng mga Sorsoganon. 

Sinabi ni Caliwag na ang maayos na kalagayang ito ay dahilan sa maganda at sustenableng produksyon ng palay sa probinsya nitong mga nakaraang buwan.

Samantala, sinabi ni Caliwag na sa ngayon ay nananatili pa rin sa P17 bawat kilo ang bilihan ng palay ngayon at may mga insentibo din silang ibinibigay kaugnay ng mga pagpapatuyo ng palay kung saan 20 hanggang 50 centavos ang ibinibigay nila para sa mga indibidwal habang 30 centavos naman para sa mga kooperatiba.

Tiniyak din ni Caliwag sa mga magsasaka ang suporta ng NFA sa kanila at sinabi nitong bukas ang kanilang tanggapan para sa anumang mga katanungan o mga paglilinaw na nais malaman ng mga ito. (BARecebido, PIA Sorsogon/HBinaya)