Friday, October 26, 2012

Provincial Elimination para sa mga Sorsoganong lalahok sa “Bicol 2012 Essay Writing Competition on the Legacy of Secretary Jesse Robredo” ngayong araw na



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, October 26 (PIA) – Nakatakdang magtagisan ng talino ang ilang mga piling mag-aaral sa sekundarya at kolehiyo mula sa iba’t-ibang mga paaralan sa lalawigan ng Sorsogon sa isang patimpalak sa pagsulat ng sanaysay o essay writing contest mamayang hapon Oktubre 26, 2012.

Sa naging pagpupulong ng mga kinatawan mula sa Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), Philippine Information Agency (PIA) at Municipal Information Officer ng lokal na pamahalaan ng Daet, Camarines Norte kamakailan, tinalakay ng mga ito ang mahahalagang hakbang na dapat gawin upang maayos na maipatupad ang nasabing patimpalak.

Ayon kay Municipal Information Officer at kalihim ni Daet Municipal Mayor Sarion, inilunsad nila ang “Bicol 2012 Essay Writing Competition on the Legacy of Secretary Jesse Robredo” bilang pagkilala sa mga mahahalagang kontribusyon ni dating Kalihim ng DILG Jesse Robredo, at upang maikintal sa isipan ng mga mag-aaral ang inspirasyong ibinigay nito sa mga lokal na lider sa bansa dahilan upang maging mabuti at huwarang halimbawa ito sa pagbibigay ng totoong serbisyo publiko.

Nais din nila umanong mahasa ang mga kabataan ngayon ukol sa tamang kasanayan sa pagsusulat.

Nagkaroon din ng pagbabago sa lugar na pagdarausan ng patimpalak kung saan gagawin na ito sa Teacher’s Training Hall sa Casiguran Central School sa bayan ng Casiguran, Sorsogon.

Tatanggap ng mga sumusunod na gantimpala ang mga magwawaging mag-aaral: sa Provincial Level para sa category I and II - First Prize:           P5,000.00 at tropeo; Second Prize: P3,000.00; Third Prize: P2,000.00  at pitong Consolation Prizes na nagkakahalaga ng P500.00 bawat isa.

Sa Regional Level naman para sa category I and II - First Prize: P10,000.00 at tropeo; Second Prize: P7,000.00; Third Prize: P5,000.00 at tatlong Consolation Prizes na nagkakahalaga ng P1,000.00 bawat isa. (BARecebido, PIA Sorsogon)

Resulta ng ALDA Survey inilabas na ng DAR



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 26 (PIA) – Iprinisinta na ng grupo ng Agrarian Reform Communities’ Level of Development Assessment (ALDA) ang resulta ng ginawang survey matapos ang mahabang prosesong pinagdaanan ng ALDA na ginawa ng Department of Agrarian Reform–Beneficiaries’ Development Coordinating Division(DAR-BDCD) Sorsogon.

Nagsagawa ng survey ang ALDA sa pangunguna ni Lucy Vitug, Department Head ng ARCs kasama ang iba pang mga tauhan ng DAR upang malaman ang antas ng pag-asenso ng mga Agaraian Reform Communities (ARCs) at ng mga People’s Organizations (POs) sa probinsiya ng Sorsogon.

Base sa resulta ng ALDA, tatlong ARCs na nasa pinakamataas na antas (level 5) noong 2010 ang bumaba at naluklok sa level 4 noong 2011. Kabaliktaran naman sa naging resulta ng survey sa People’s Organizations kung saan noong 2010, tatlo ang nasa level 4 subalit tumaas at naabot ang pinakamataas na antas noong 2011. Habang mayroon namang ibang mga ARC at PO na nanatili sa kani-kanilang antas ng pag-asenso.

Sa paliwanag ni Vitug ukol sa naging resulta ng survey, sinabi nitong malaki ang posibilidad na sa pagsagawa ng random sampling, nagkataong karamihan sa mga naging respondent ay yaong mga magsasakang kabilang sa mga hirap ang kalagayan sa buhay.  May mga magsasaka din umanong nakapanayam na hindi nagsasabi at itinatago ang totoo nilang kita, habang ang iba naman ay sadyang pinabababa pa ang halaga ng kanilang kita kung kaya’t naapektuhan ang resulta ng survey.

Dahilan dito, sinabi ni DAR Provincial Officer Roseller R. Olayres na dapat pang magsikap ang mga Development Facilitators at Municipal Agrarian Reform Officers (MAROs) upang umunlad ang lahat na mga ARC at PO.

Aniya, kung mahalaga ang mga aktibidad sa ilalaim ng Program Beneficiaries’ Development (PBD) o ang mga aktibidad ng DAR na nagbibigay ng suporta sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), importante ding unahin ang mga aktibidad sa ilalim ng Land Tenure and Improvement (LTI) o ang mga aktibidad ng DAR na may relasyon sa pamamahagi ng mga lupa.

Ipinaliwanag din ni Vitug na kung mataas ang resulta ng ALDA level, higit na nabibigyan ng pribilihiyo ang mga ARC at PO sakaling may mga dumarating na espesyal na proyekto ang ahensya sapagkat mas tiwala umano ang mga sponsor financial institution na may kakayahan talagang magbayad at mapamahalaan ng mga magsasaka o benepisyaryo ang proyektong pinaglaanan nila ng kapital. (BARecebido, PIA Sorsogon/AJArbolente, DAR)

OWWA nagsagawa ng Sponsored Scholarship Program orientation para sa kapamilya ng mga OFWs



Ni: Bennie A. Recebido
 
LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 26 (PIA) – Dumayo sa lalawigan ng Sorsogon ang ilang mga tauhan ng Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA) Bicol noong Miyerkules upang magsagawa ng oryentasyon para sa mga nagsumite na ng kanilang aplikasyon at nais makabenepisyo sa Sponsored Scholarship Program ng OWWA.

Ayon kay OWWA Community Welfare Administration Officer Arlene Bartolata, katuwang nila ang Department of Science and Technology (DOST) sa pagpapatupad ng programang ito kung saan ang DOST ang siyang namamahala sa paggawa ng mga questionnaire at kagamitan sa pagsusulit na gagamitin ng mga interesadong aplikanteng sasailalim sa qualifying examination.

Ang Scholarship Sponsored Program ng OWWA ay bukas sa mga anak at kapamilya ng mga dokumentadong Overseas Filipino Workers (OFWs) saan mang panig ng mundo na may kabuuang kita na hindi tataas sa $400 bawat buwan o $ 4,800 dolyar bawat taon.

Ipinaliwanag nila umano sa mga interesadong mag-aplay na iskolar ang mga patakaran upang maging kwalipikadong iskolar sa ilalaim ng kanilang Sponsored Scholarship program.

Dinaluhan din ang aktibidad na ito ng ilang mga OFWs na naririto ngayon sa Sorsogon upang higit din nilang maintindihan ang mga patakarang nakasaad sa programa.

P30,000 ang matanggap ng bawat makakapasang mag-aaral sa iallaim ng OWWA Sponsored Scholarship Program. Maaari din umano silang makapamili kung saang paaaralan sa bansa nila nais mag-aral, pampubliko man o pribadong kolehiyo. (BARecebido/FBTumalad, PIA Sorsogon)



Kampanya ng NKTI at PIA sa tamang pangangalaga ng bato patuloy



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 26 (PIA) – Nagpapatuloy pa rin ang adbokasiya ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at Philippine Information Agency (PIA) kaugnay ng tamang pangangalaga sa ating mga bato.

Sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng tamang impormasyon sa tulong na rin ng mga mamamahayag ay maiiwasan ang anumang pagkasira ng bato o kidney sanhi ng maling sistema ng pamumuhay o unhealthy lifestyle.

Panawagan ng NKTI at PIA sa publiko, bata man o matanda na maging maingat sa pagpili ng mga kinakain at iwasan yaong mga maaalat, matataba, mamantika at sobrang matatamis na pagkain, iwasna ang paninigarilyo at magkaroon ng tamang ehersisyo araw-araw.

Ipinapayo din ng dalawang ahensya na magkaroon ng taunang pagpapasuri ng ihi o sumailalim sa tinatawag na urinalysis upang mabigyan ng kaukulang medikasyon o lunas sakaling may madiskubreng diperensya sa ihi nang sa gayon ay hindi na ito lumala pa at tuluyang mauwi sa sakit sa bato.

Kadalasang nauuwi sa dialysis ang kaso ng mga sakit sa bato na hindi naagapan na nagdudu lot nga malaking suliranin sa mga pasyente at kamag-anak nito dahilan sa malaking gastusin at abala sa pagpapaospital.

Ang dialysis ay isang paraan ng paglilinis at pagpapalit ng dugo sa isang pasyenteng tuluyan nang nasira ang bato gamit ang isang dialysis machine. Ang dialysis machine ang nagsisilbing kidney ng pasyenteng nasira na ng tuluyan ang dalawang bato at hindi na magampanan ang kanyang trabaho sa katawan ng tao dahilan upang manghina at tuluyang ikamatay ng pasyente.

Maaring gumastos ng tatlong libo o mahigit ang isang pasyenteng isinasailalim sa dialysis bawat isang sesyon. Isa o dalawang sesyon g dialysis ang maaaring kaharapin ng isang pasyente linggo-linggo depende sa kondisyon nito. (BARecebido, PIA Sorsogon)

Pirmahan ng MOA sa implementasyon ng ARC Connectivity and Economic Support Services isinagawa



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, October 26 (PIA) – Matagumpay na naisagawa ang pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa implementasyon ng Agrarian Reform Communities Connectivity and Economic Support Services (ARCCESS) sa pangunguna ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa pamumuno ni Provincial Agrarian Reform Officer Roseller R. Olayres at ng apat pang organisasyon ng mga magsasaka.

Ayon kay DAR Public Information Officer Alura Arbolente, ang MOA ay pinirmahan ng mga chairperson at vice-chairperson ng apat na mga organisasyon ng magsasaka para sa implementasyon ng ARCCESS sa mga lugar na kanilang nasasakupan.

Ang apat na organisasyon ng mga magsasaka ay kinabibilangan ng Bangate Multipurpose Cooperative (BAMUCO) sa Barcelona, Sorsogon; Maharlika Development Cooperative (MADECO) sa Bacon District; Del Rosario Agrarian Reform Beneficiaries Association (DARBA) sa Pilar, Sorsogon; at ng Mt. Bulusan Upland Farmers’ Association (MBUFA) sa Bulusan, Sorsogon.

Ayon pa kay Arbolente, hindi maglalaon ay magkakaroon ang DARBA sa Pilar, Sorsogon ng proyektong Vegetable Production Processing and Marketing habang ang MBUFA naman sa Bulusan, Sorsogon ay magkakaroon din ng proyektong Geotextile Production Processing and Marketing.

Samantala, magiging papel naman ng DAR para sa implementasyon nito ang pagbibigay ng mga professional service provider at technical assistance.
Ang pondong gagamitin para sa proyekto ay manggagaling sa regular na ponod ng DAR. (BARecebido, PIA Sorsogon/DAR)