Wednesday, February 27, 2013

Bagong hepe ng DAR Sorsogon binisita ang LAD sa Ticao



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 27 (PIA) – Bumisita kamakailan ang bagong upong Officer-In-Charge ng Department of Agrarian Reform (DAR) Sorsogon sa lalawigan ng Masbate upang personal na makita ang sitwasyon ng Land Acquisition and Distribution (LAD) doon.

Ayon kay DAR Sorsogon Information Officer Alura A. Jaso, kasama ng ilang mga technical personnel, bumisita si OIC Provincial Agrarian Reform Officer (PARO) Gina D. Bolaños sa apat na mga munisipyo ng Ticao Island sa islang lalawigan ng Masbate, matapos na ibigay ng DAR Central Office sa DAR Sorsogon ang responsibilidad sa pagproseso ng mga Claim Folders ng mga landowner doon upang maipamahagi na ang natitira pang mga lupaing sakop ng Repormang Agraryo.

Isa umano ang Masbate sa aydentipikadong “High LAD” o may malaki pang ektaryang lupain na dapat maipamahagi sa mga kwalipikadong magsasaka.

Dahilan sa mahirap makapagpadala ng technical personnel mula sa mainland Masbate patungong Ticao Island, kung kaya’t sa Sorsogon DAR Provincial Office ipinasa ang responsibilidad dahilan sa ito ang pinakamalapit na lalawigan sa isla.

Samantala, sa nakaraang Municipal Agrarian Reform Officer (MARO) Conference, ipinakita ng mga MARO ang kanilang pagtanggap sa “One DAR Policy” at kanilang suporta kay OIC Bolaños bilang bagong PARO ng Sorsogon.

Ayon sa mga MARO, magtutulung-tulong sila upang mabawasan ang bigat ng trabaho ng mga DAR Municipal Office (DARMO) na mayroon lamang kakaunting tauhang teknikal subalit may malalaki pang lupaing dapat na maipamahagi.

Kaugnay nito, binuo ang sumusunod na mga DARMO Team: Ang DonPiCastI (Donsol, Pilar, Castilla, and Irosin); SorCasMag (Sorsogon City, Casiguran, and Magallanes); Solid West (Juban, Bulan, Matnog, and Sta. Magdalena); at Gubat Cluster (Gubat, Barcelona, Bulusan, and Prieto Diaz).

Idinagdag na rin sa mga technical personnel ng DAR Sorsogon Provincial Office ang apat na munisipyo sa Ticao Island upang makumpleto na ang mga dokumento nang sa gayon ay tuluyan nang maipamahagi ang natitira pang mga lupain sa nasabing isla na nasa ilalim ng Agrarian Reform. (BARecebido, PIA Sorsogon/AAJaso, DAR)

No comments:

Post a Comment