Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 27 (PIA) –
Bumisita kamakailan ang bagong upong Officer-In-Charge ng Department of
Agrarian Reform (DAR) Sorsogon sa lalawigan ng Masbate upang personal na makita
ang sitwasyon ng Land Acquisition and Distribution (LAD) doon.
Ayon kay DAR Sorsogon Information Officer
Alura A. Jaso, kasama ng ilang mga technical personnel, bumisita si OIC
Provincial Agrarian Reform Officer (PARO) Gina D. Bolaños sa apat na mga
munisipyo ng Ticao Island sa islang lalawigan ng Masbate, matapos na ibigay ng
DAR Central Office sa DAR Sorsogon ang responsibilidad sa pagproseso ng mga
Claim Folders ng mga landowner doon upang maipamahagi na ang natitira pang mga
lupaing sakop ng Repormang Agraryo.
Isa umano ang Masbate sa aydentipikadong
“High LAD” o may malaki pang ektaryang lupain na dapat maipamahagi sa mga
kwalipikadong magsasaka.
Dahilan sa mahirap makapagpadala ng technical
personnel mula sa mainland Masbate patungong Ticao Island, kung kaya’t sa
Sorsogon DAR Provincial Office ipinasa ang responsibilidad dahilan sa ito ang
pinakamalapit na lalawigan sa isla.
Samantala, sa nakaraang Municipal Agrarian
Reform Officer (MARO) Conference, ipinakita ng mga MARO ang kanilang pagtanggap
sa “One DAR Policy” at kanilang suporta kay OIC Bolaños bilang bagong PARO ng
Sorsogon.
Ayon sa mga MARO, magtutulung-tulong sila
upang mabawasan ang bigat ng trabaho ng mga DAR Municipal Office (DARMO) na
mayroon lamang kakaunting tauhang teknikal subalit may malalaki pang lupaing
dapat na maipamahagi.
Kaugnay nito, binuo ang sumusunod na mga
DARMO Team: Ang DonPiCastI (Donsol,
Pilar, Castilla, and Irosin); SorCasMag
(Sorsogon City, Casiguran, and Magallanes); Solid
West (Juban, Bulan, Matnog, and Sta. Magdalena); at Gubat Cluster (Gubat, Barcelona, Bulusan, and Prieto Diaz).
Idinagdag na rin sa mga technical personnel
ng DAR Sorsogon Provincial Office ang apat na munisipyo sa Ticao Island upang
makumpleto na ang mga dokumento nang sa gayon ay tuluyan nang maipamahagi ang
natitira pang mga lupain sa nasabing isla na nasa ilalim ng Agrarian Reform.
(BARecebido, PIA Sorsogon/AAJaso, DAR)
No comments:
Post a Comment