Wednesday, February 27, 2013

Fun Walk para sa mapayapang Halalan 2013 gaganapin sa Sorsogon

Last year's participants to the PBN's Fun Walk

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 26 (PIA) – Bilang suporta sa adhikaing magkaroon ng maayos at mapayapang halalan sa darating na Mayo 2013, isang aktibidad na tinaguriang “Walk for Life, Walk fro Love Year II – A Walk for an Honest, Orderly and Peaceful Elections” ang gaganapin sa lungsod ng Sorsogon sa Sabado, Marso 2, 2013.

Pangungunahan ang Fun Walk ng PBN Broadcasting Network, Inc. at ng PBN Foundation, Inc. sa pakikiisa at pakikipagtulungan nito sa Comelec Sorsogon, DepEd City Schools Division at Sorsogon Police Provincial Office.

Ayon kay Andy Espinar, Station Manager (SM) ng PBN-DZMS radio station Sorsogon, magtitipon-tipon ang mga lalahok sa Provincial Capitol Park alas singko ng umaga sa Sabado, at sabay-sabay na maglalakad patungong Sorsogon City Hall Grounds sa Brgy. Cabin-an, Sorsogon City.

Dagdag pa ni SM Espinar na maliban sa kanilang adhikaing pukawin ang kamalayan ng publiko na makiisa at suportahan ang pagkakaroon ng malinis, maayos at mapayapang halalan sa Mayo 2013, isa din itong hakbang upang matulungan ang mga kababayang nasalanta ng kalamidad sa Mindanao.

Lahat umano ng malilikom na halaga mula sa mga lalahok at mga sponsor nito ay gagamitin para sa rehabilistasyon ng mga nabiktima ng bagyong “Pablo” sa Compostela Valley.

Matatandaang ito ang pangalawang pagkakataong magsasagawa ang PBN ng Fun Walk kung saan noong nkaaraang taon ay nakapagbigay sila ng dalawang housing unit sa naapektuhang pamilya ng bagyong “Sendong”, maliban pa sa naipamahagi nilang relief goods at ngawang feeding activity sa Cagayan De Oro City.(BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment