Wednesday, February 27, 2013

Pirmahan ng MOA para sa LFEWS Project isasagawa

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 26 (PIA) – Isasagawa ang pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng GIZ o German Agency for International Cooperation, Pamahalaang Lalawigan ng Sorsogon at Pamahalaang Bayan ng Juban at Irosin sa Pebrero 28, 2013.

Ang MOA ay kaugnay ng proyektong Local Flood Early Warning System (LFEWS) na ilalagay sa kahabaan ng Cadac-an River sa bayan ng Irosin at Juban sa Sorsogon na pinondohan ng GIZ sa tulong ng iba pang mga international donors.

Ang Cadac-an River ang isa sa mga sinusubaybayang ilog sa lalawigan ng Sorsogon lalo na kung nagkakaroon ng mga sunud-sunod na pag-uulan o kung may bagyo dahilan sa posibilidad ng pag-apaw nito.

Sa tala ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Office (SPDRRMO), sakaling magkaroon ng mga pagbaha, maaaring maapektuhan ang siyam na mga barangay sa Juban habang 21 na mga barangay naman sa bayan ng Irosin. Kapwa mahigit sa tatlong libong mga pamilya sa bawat bayan ang maaari namang maapektuhan.

Ito ang dahilan kung bakit naging prayoridad ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon at ng GIZ ang nasabing mga lugar.

Samatala, inaasahang darating sa Sorsogon si Ginoong Olaf Neussner, ang Disaster Risk Management Sector Chief ng GIZ para sa nasabing primahan ng MOA.

Ang GIZ ay isang internasyunal na organisasyong pagmamay-ari ng German Federal Government na nagpapatupad ng iba’t-ibang mga uri ng proyekto sa mahigit 130 bansa sa buong mundo. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment