Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero (PIA) – Sa
muling pagpasok ng Butanding season at sa darating na mahabang bakasyon kaugnay
ng selebrasyon ng Mahal na Araw, muling inaasahan ng Provincial Tourism Office
(PTO) ang pagdagsa ng mga turista, lokal man o dayuhan, sa bayan ng Donsol
upang makapagbakasyon, makita at makasalamuha ang pinakamalaki at pamosong isda
sa buong mundo.
Kaugnay nito, nais ng PTO na matiyak na
ligtas at lubos na nabigyang kasiyahan ang sinumang dadayong turista dito.
Ayon kay Provincial Tourism Officer Cris
Racelis, matapos ang naganap na insidente ng pagkawala ng tatlong maninisid
tatlong linggo na ang nakalilipas na kinasangkutan ng dalawang turistang
maninisid na Australyano at isang Pilipinong master diver, ilang mga
rekomendasyon ang ibinigay ng Provincial Tourism Office upang matiyak na walang
mga kapahamakang maaaring maganap sa panahong nagbabakasyon ang mga turista
dito.
Sa ulat na ipinasa nito kay Sorsogon
Governor Raul R. Lee, sinabi nitong mahigpit nilang inirerekomenda sa may-ari
ng mga bangka, sa mga guide at may-ari ng mga resort sa Donsol na mabigyan sila
ng kaukulang pagsasanay ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction
Management Office (SPDRRMO) at ng Philippine Coast Guard (PCG) ukol sa Critical
Incident Management System and Emergency Planning at mga protocol na dapat
sundin sa panahong may mga emerhensiya upang matiyak ang kaligtasan ng mga
turistang dadayo sa Donsol.
Dapat din umanong matasa at mairehistro sa
Maritime Industry Authority (Marina) ang mga bangkang ginagamit pangturismo.
Sa mga hindi naiiwasang pagkakataon, dapat
na mayroon ding sariling Search and Rescue Team and bayan ng Donsol na may
kapasidad na magbigay ng mga serbisyong pang-emerhensiya sa mga dayuhan at
lokal na turista.
Para naman umano sa mas maayos na
pagkakakilanlan ng mga bangkang ginagamit sa paglilibot ng mga turista sa
karagatan ng Donsol at Masbate at maging ng mga hotel at resort na tinitirhan
ng mga turista, inirerekomenda din nila ang pagkakaroon nito ng mga sticker na may
local hotline number ng Philippine National Police, Philippine Army, Philippine
Coast Guard, Bureau of Fire Protection, DRRMO at Tourism Office na maaaaring
makontak o mabigyan ng impormasyon sakaling may mga insidenteng hindi
inaasahan. Iminumungkahi din na maging ang mga istratehikong lugar sa Donsol ay
malagyan ng mga paskel ng mga mahahalagang numerong ito.
Positibo ang PTO na mabibigyang pansin ni
Gov. Lee ang mga rekomendasyong kanilang inilatag para na rin sa kapakanan ng
mga turista sa Donsol. (BArecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment