Tuesday, February 5, 2013

Kaligtasan ng mga turista sa Donsol nais matiyak ng PTO


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero (PIA) – Sa muling pagpasok ng Butanding season at sa darating na mahabang bakasyon kaugnay ng selebrasyon ng Mahal na Araw, muling inaasahan ng Provincial Tourism Office (PTO) ang pagdagsa ng mga turista, lokal man o dayuhan, sa bayan ng Donsol upang makapagbakasyon, makita at makasalamuha ang pinakamalaki at pamosong isda sa buong mundo.

Kaugnay nito, nais ng PTO na matiyak na ligtas at lubos na nabigyang kasiyahan ang sinumang dadayong turista dito.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Cris Racelis, matapos ang naganap na insidente ng pagkawala ng tatlong maninisid tatlong linggo na ang nakalilipas na kinasangkutan ng dalawang turistang maninisid na Australyano at isang Pilipinong master diver, ilang mga rekomendasyon ang ibinigay ng Provincial Tourism Office upang matiyak na walang mga kapahamakang maaaring maganap sa panahong nagbabakasyon ang mga turista dito.

Sa ulat na ipinasa nito kay Sorsogon Governor Raul R. Lee, sinabi nitong mahigpit nilang inirerekomenda sa may-ari ng mga bangka, sa mga guide at may-ari ng mga resort sa Donsol na mabigyan sila ng kaukulang pagsasanay ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (SPDRRMO) at ng Philippine Coast Guard (PCG) ukol sa Critical Incident Management System and Emergency Planning at mga protocol na dapat sundin sa panahong may mga emerhensiya upang matiyak ang kaligtasan ng mga turistang dadayo sa Donsol.

Dapat din umanong matasa at mairehistro sa Maritime Industry Authority (Marina) ang mga bangkang ginagamit pangturismo.

Sa mga hindi naiiwasang pagkakataon, dapat na mayroon ding sariling Search and Rescue Team and bayan ng Donsol na may kapasidad na magbigay ng mga serbisyong pang-emerhensiya sa mga dayuhan at lokal na turista.

Para naman umano sa mas maayos na pagkakakilanlan ng mga bangkang ginagamit sa paglilibot ng mga turista sa karagatan ng Donsol at Masbate at maging ng mga hotel at resort na tinitirhan ng mga turista, inirerekomenda din nila ang pagkakaroon nito ng mga sticker na may local hotline number ng Philippine National Police, Philippine Army, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, DRRMO at Tourism Office na maaaaring makontak o mabigyan ng impormasyon sakaling may mga insidenteng hindi inaasahan. Iminumungkahi din na maging ang mga istratehikong lugar sa Donsol ay malagyan ng mga paskel ng mga mahahalagang numerong ito.

Positibo ang PTO na mabibigyang pansin ni Gov. Lee ang mga rekomendasyong kanilang inilatag para na rin sa kapakanan ng mga turista sa Donsol. (BArecebido, PIA Sorsogon)

No comments: