Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 7 (PIA) – Sa
pagsisimula ng panahon ng kampanya para sa darating na halalan sa Mayo, muling
nagpaalala ang Commission on Election (Comelec) sa mismong mga kandidato at
suportador nito na mahigpit na sumunod sa mga alituntuning pinaiiral ng Comelec
ukol sa paglalagay o pagdidikit ng mga campaign paraphernalia.
Ayon kay Comelec Sorsogon Election
Supervisor Atty. Calixto Aquino, may mga itinalagang common poster area na
maaaring pagdikitan ng mga campaign paraphernalia at dapat na alam ng mga
kandidato at suportador ito.
Maging ang
Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay nanawagan na iwasan
ang pagdidikit ng mga campaign paraphernalia sa kung saan-saan lalo na sa mga
kahoy.
Binigyang-diin
ng DENR na ipinagbabawal
ng batas ang pagdidikit o pagpapako ng mga campaign
posters sa mga puno ng kahoy sa ilalim ng Section 23 ng Comelec Resolution
7767 alinsunod sa itinatakda ng Republic Act 9006 o Fair Election Act.
Ayon pa sa DENR, nadiskubre nila na biglaang
tumataas ang bilang ng impeksyon sa mga kahoy lima hanggang anim na buwan
matapos ang eleksyon dala ng mga sugat na tinatamo nito sanhi ng mga pako at
staple wire.
Maliban sa paglalagay ng mga campaign
paraphernalia, may iba pang mga alituntuning dapat sundin at tandaan ang lahat
ng sangkot sa gaganaping halalan ngayong Mayo 2013 tulad ng mga sumusunod: pagbibitbit
ng lahat ng uri ng armas na nakakamatay at pagtatalaga ng mga security
personnel maliban doon sa mga pinahintulutan ng Comelec.
Ipinagbabawal din ang ang pagtatalaga ng
mga confidential speial agent, paglikha ng anumang reaction forces, strike
forces at ano pa mang puwersa o grupong maaaring magdala ng kaguluhan, pagbabawal
sa pagbura ng mga nakatalang presinto, paglikha ng bagong posisyon, pagkuha ng
bago at paglilipat ng mga manggagawa sa serbisyo sibil, pagpapagawa ng
pampublikong proyekto, at pagtanggap ng mga manggagawa ng mga pamahalaan ng
anumang donasyon maging pera man ito o kusang loob na bigay ng sinumang opisyal
o kandidato.
Higit sa lahat dapat na igalang ang Huwebes
at Biyernes Santo sapagkat ipagbabawal ang pangangampanya sa mga panahong ito.
Magsisimula ang panahon ng kampanya sa
darating na Pebrero 12 hanggang Mayo 11, 2013 para sa mga senador at party list
group habang Marso 29 hanggang Mayo 11, 2013 para sa mga congressman at mga
opisyal ng probinsya, lungsod at munisipyo. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment