Tuesday, February 5, 2013

PRC Million Volunteer Run sa Pebrero 10 na


LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 5 (PIA) – Patuloy pa rin ang pagtanggap ng Philippine Red Cross (PRC) ng mga nais magparehistro para sa gagawin nilang ikalawang 143 Million Volunteer Run sa darating na ika-10 ng Pebrero, 2013.

Ayon kay PRC Chapter Administrator Salvacion Abotanatin, isa itong istratehiya upang makalikom ng pondo nang sa gayon ay matulungan ang mga sinalanta ng bagyong nagdaan at mabawasan ang trauma at kahirapang dinaranas ng mga ito.

Matatandaang noong 2009, ang Pilipinas ang nanguna sa listahan ng madalas hagupitin ng mga kalamidad tulad ng bagyo, habang pumangatlo naman ito sa nagtamo ng labis na pagkasira ng buhay at ari-arian noong 2010.

Subalit nilinaw ng opisyal na ang gagawing Million Volunteer Run ay hindi lamang basta nakatuon sa paglilikom ng karagdagang pondo para sa PRC, nais din nila umanong maisulong ang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan ng mga nagnanais na tumulong sa adbokasiya ng Red Cross.

Matatandaang unang nilang isinagawa ang kahalintulad na aktibidad noong Disyembre 10, 2011 kung saan dinaluhan ito ng mahigit tatlong daang mga kalahok mula sa iba’t-ibang mga tanggapan ng pamahalaan, mga mag-aaral, civic organization at non-government organization.

Inaasahan ng PRC Sorsogon na muling aktibong lalahok ang mga dating sumuporta sa kanila at madadagdagan pa ito ngayong taon.

Ayon pa kay Abotanatin, inorganisa na rin nila at aktibo na ring pinakikilos ang kanilang million volunteer sa ilalim ng 143 program ng Red Cross sa halos ay 42,000 na barangay sa bansa.

Ang mga PRC volunteer na ito ay tinuruan at sinanay upang umiral ang lakas ng loob ng mga ito at mapukaw ang kahandaan at pagtulong sa kapwa sa panahong may mga kalamidad.

Layunin din nilang sa pag-organisa ng PRC volunteer at pagsasagawa ng Million Volunteer Run ay muli nilang mabuhay ang Red Cross First Aiders at mga blood donor sa bawat tahanan, paaralan at komunidad. (BARecebido/FBTumalad, PIA Sorsogon)

Route map of PRC 143 Million Volunteer Run 2013

No comments:

Post a Comment