Friday, March 22, 2013

Justice on Wheels ng DOJ nakarating na sa Sorsogon


Justice on Wheels Bus (blogspot)

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 22 (PIA) – Nakalatag ang mahigpit na seguridad ng Sorsogon Provincial Command at City Police Station sa paligid ng Kapitolyo Probinsyal at sa Bulwagan ng Katarungan simula pa kaninang alas sais ng umaga.

Ito ay kaugnay ng pagdating sa probinsya ni Supreme Court Justice Ma. Lourdes Sereno at ilang mga kasamahan nito mula sa tanggapan ng Supreme Court para sa isinasagawa nilang paglilibot sa buong bansa sa iallaim ng kanilang Justice on Wheels Program.

Inaasahang  tutuloy ang grupo ni Chief Justice Sereno sa kapitolyo para sa isang courtesy call kay Sorsogon Governor Raul R. Lee at pagkatapos ay tutuloy na sa Bulwagan ng Katarungan upang makisalamuha sa mangagawa, abugado at mga piskal ng Department of Justice (DOJ) Sorsogon.

Sa impormasyong nakalap ng PIA Sorsogon, ngayong araw nakatakdang ilunsad sa Sorsogon ang “Justice on Wheels Increasing Access to the Poor Program” ng DOJ sa ilalim ng temang “Our Courts are Driven to Serve You Better” kung saan layunin nitong maipatupad ang hangarin ng DOJ na matulungan ang mga bilanggo lalo na yaong mga hikahos sa buhay at mga biktima ng hamon ng buhay sa pamamagitan ng pagrepaso sa mga kaso lalo na yaong mga magagaan at matagal nang nakabinbin sa korte, mapabilis ang pagdinig ng mga kasong ito at mabigyan ng agarang desisyon ng sa gayon ay hindi na ito makadagdag pa sa malalaking mga kasong umaakyat sa Korte Suprema. Layunin din ng programang ito na mabawasan din ang pagsisiksikan ng bilanggo sa mga piitan sa bansa.

Labis namang ikinatuwa ng mga bilanggo dito sa Sorsogon at ng mga kamag-anak nito ang paglulunsad ng Justice on Wheels sa lalawigan at umaasa sila lalo na yaong nanainiwalang wala silang kasalanan na maibibigay na rin sa kanila sa lalaong madaling panahon ang hustisyang matagal na nilang hinihintay.

Sa kasalukuyan, mayroong anim na mga Regional Trial Court sa buong lalawigan ng Sorsogon. (FBTumalad/BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment