Friday, March 22, 2013

Bilang ng kriminalidad sa Sorsogon malaki ang ibinaba – SPPO



Ni: FBTumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 22 (PIA) – Malaki ang ibinaba ng kriminalidad sa probinsya ng Sorsogon ayon sa istatistika ng Sorsogon Police Provincial Office -Provincial Investigation and Detective Management Branch (PIDMB) sa pamumuno ni PSI Armando Lopez.

Ayon sa record ng PIDMB, mula Enero 1 hanggang Disyembre  31, 2012 ang bilang ng krimen ng Index Crime (CI) at Non-Index Crime (NIC) na naitala sa Sorsogon ay umabot ng 572 insidente o 34 na porsyento, mas mababa kung ikukumpara  noong nagdaang 2011 na umabot ng 871.

Sa dalawang klase ng krimeng klinasipika ng SPPO na Index at Non-Index Crime, 320 kaso o 55.94 na posyento nito ay CI habang 252 na kaso o 44.05 na porsyento ay NIC.

Ang Index Crime ay kinabibilangan ng paglabag sa penal code na may kaugnayan sa ekonomiyang pang sosyudad.

Ang Non-Index Crime naman  ay malimit na walang sangkot na biktima katulad halimbawa kung malalagay sa panganib ang seguridad ng ating bansa, paglikha ng kaguluhan sa gitna ng katahimikan, krimen laban sa moralidad at paglabag sa espesyal na mga batas.

Kung ikukumpara aniya sa datos ng nagdaang taon, 320 ang bilang ng index crime,  32 %  ang ibinaba nito habang ang Non-Index Crime naman ay 10 porsyento ang ibinawas mula 252  ngayong 2012  at 257 ng taon 2011.

Sa tala ng SPPO-PIDMB, ang Sta Magdalena MPS ang may pinakamababang kaso ng krimen bilang na 6, sinusundan ng Irosin MPS na may 73 kaso ng krimen at  Sorsogon City na may 128 na kaso sa taong 2012.

Sa 572 kabuuang krimen sa probinsya ng Sorsogon, 315  na kaso ang nabigyan ng kalinawan ng SPPO noong 2012 na may katumbas na  55 % cleared efficiency rating  at 105 sa mga ito ang naresolba ang kaso o katumbas ng 18.36 percent Index Crime Solution Efficiency. (FB Tumalad, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment