Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 20 (PIA) – Gaganapin ngayong araw dito sa Sorsogon ang pagpupulong ng mga kasapi ng Regional Association of Treasurers and Assessors (REGATA) sa buong rehiyon ng Bicol para sa unang kwarter ngayong taon.
Sa impormasyong nakalap ng PIA Sorsogon, sisimulan mamayang hapon ang pormal na pagbubukas ng pulong na magtatagal hanggang sa Marso 23, 2013 sa Vicenta Hall, Sorsogon City.
Nakatutok sa temang “Local Treasurers and Assessors Toward the Rightful Path of Economic Growth and Prosperity” ang pagpupulong ng mga ingat-yaman at assessor ng Bicol ngayong taon.
Si Bise Presidente ng Republika ng Pilipinas Jejomar Binay ang siya sanang magbibigay ng keynote address sa pagbubukas ng pulong ngayong araw subalit magpapadala na lamang ito ng kinatawan sapagkat kasalukuyang nasa labas ito ng bansa para sa isa ring mahalagang commitment. Kabilang sa iba pang mga malalaking personalidad sa bansa na nakatakdang magbigay ng mensahe ay sina Senator Francis “Chiz” Escudero, dating Senador Miguel “Migz” Zubiri at dating gobernador ng lalawigan ng Tarlac Ginang Margarita “Tingting” Cojuangco.
Darating din si Executive Dirctor ng Bureau of Local Government and Finance (BLGF) Ginoong Salvador M. Del Castillo at iba pang mga opisyal ng BLGF at ng REGATA Bicol chapter.
Bukas ay magkakaroon ng socialization activitity ang mga kalahok sa gaganaping Governor’s Night sa kabutihang-loob ni Sorsogon Governor Raul R. Lee.
Maliban sa mga usaping may kaugnayan sa REGATA, nakatakda ring pag-usapan ang tungkol sa Property Law at Land Ownership at Comelec Updates.
Matatandaang sa pinakahuling REGATA conference bago matapos ang nakaraang taon na isinagawa sa lalawigan ng Catanduanes ay kinilala ng REGATA ang anim na mga bayan sa Sorsogon na nagpakitang gilas sa larangan ng pagkolekta ng buwis noong nakaraang 2011 na kinabilangan ng Matnog, Barcelona, Irosin, Castilla, Bulusan at Sta. Magdalena. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment