Tuesday, March 26, 2013

Resulta ng pag-aaral sa limang barangay sa Sorsogon City inilatag ng Coastal CORE, Inc.



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 25 (PIA) – Iprinisinta kahapon ng Coastal Community Resources (CORE) and Livelihood Development, Inc. sa kanilang mga partner at iba pang mga stakeholder ang resulta ng kanilang mga isinagawang pag-aaral sa mga barangay ng Caricaran, Bogna, Bato, Salvacion at Gatbo sa distrito ng Bacon, lungsod ng Sorsogon sa ilalim ng Convenio Project.

Sa paliwanag ni Coastal CORE Executive Director Shirley Bolanos, inilatag nila sa kanilang mga partner at iba pang stakeholder ang resulta ng ginawa nilang Household Income Profiling Result sa Sorsogon City; Imbentaryo ng mga gamit pangisda, limang pangunahing isdang huli sa bawat gamit pangisda at panahon kung kailan malaki ang mahuhuli ng kagamitang ito; Screwpine Study o pag-aaral ng “Karagumoy”, kasama na ang Feasibility Study para sa pasilidad sa pagpapatuyo ng Karagumoy at Bariw.

Ang Household Income Profiling na ginawa nila ay isa umanong pag-aaral upang makita ang antas ng ibinigay na kontribusyon ng Convenio o ng partnership project na pinopondohan ng AECID sa Pilipinas, kumpara sa kinikita ng pamilyang benepisyaryo ng proyekto.

Sa presentasyon, lumalabas na tumaas ng 66 porsyento ang kabuuang kita ng pamilya ng mangingisda sa tulong ng Convenio Project sa loob ng limang taon.

Sa bahagi naman ng imbentaryo, iba’t-ibang mga mekanismo na suportado ng Convenio ang ginamit upang matukoy ang iba’t-ibang mga gamit pangisda, mga isdang nahuhuli gamit ito at ang panahong angkop gamitin ito. Ang pag-aaral ay isinagawa sa Sugod Bay sa Bacon District, Sorsogon City.

Lumalabas na karamihan sa mga mangingisda ay gumagamit ng single ply at 3-ply na lambat dahilan sa mataas na huli ng magagandang uri ng isda limang buwan sa loob ng isang taon. Habang ang bunuan na pumapangatlo lamang sa gamit sa pangisda ay may magandang huli ng isda anim hanggang limang buwan sa loob ng isang taon.

Inilahad din ang katayuan ng pagpapalaki at produksyon ng karagumoy sa Miguel A. Deniega Ecofarm at ang ginawang feasibility study para apat na modelo sa pagpapatuyo ng karagumoy at bariw na maaaring gamitin ng mga household beneficiaries.

Ang karagumoy at bariw ay mga uri ng materyal na ginagamit sa paggawa ng mga handicraft tulad ng bayong, bag, banig at iba pa.

Ayon pa kay Bolanos, maliban sa nais nilang mailahad ang resulta ng kanilang mga pag-aaral sa komunidad, nais din nilang kunin ang mga pananaw, komento, ideya at commitment ng mga dadalo bilang basehan para sa mga mas konkreto pang hakbang para sa pag-unlad pa ng mga komunidad na kanilang tinutulungan.

Ginawa umano ang mga pag-aaral sa iba-ibang mga panahon at limang taon ang ginugol para sa pagpapatupad ng buong proyekto. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment