Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 25 (PIA) –
Iprinisinta kahapon ng Coastal Community Resources (CORE) and Livelihood
Development, Inc. sa kanilang mga partner at iba pang mga stakeholder ang
resulta ng kanilang mga isinagawang pag-aaral sa mga barangay ng Caricaran,
Bogna, Bato, Salvacion at Gatbo sa distrito ng Bacon, lungsod ng Sorsogon sa
ilalim ng Convenio Project.
Sa paliwanag ni Coastal CORE Executive
Director Shirley Bolanos, inilatag nila sa kanilang mga partner at iba pang
stakeholder ang resulta ng ginawa nilang Household Income Profiling Result sa
Sorsogon City; Imbentaryo ng mga gamit pangisda, limang pangunahing isdang huli
sa bawat gamit pangisda at panahon kung kailan malaki ang mahuhuli ng
kagamitang ito; Screwpine Study o pag-aaral ng “Karagumoy”, kasama na ang
Feasibility Study para sa pasilidad sa pagpapatuyo ng Karagumoy at Bariw.
Ang Household Income Profiling na ginawa
nila ay isa umanong pag-aaral upang makita ang antas ng ibinigay na
kontribusyon ng Convenio o ng partnership project na pinopondohan ng AECID sa
Pilipinas, kumpara sa kinikita ng pamilyang benepisyaryo ng proyekto.
Sa presentasyon, lumalabas na tumaas ng 66
porsyento ang kabuuang kita ng pamilya ng mangingisda sa tulong ng Convenio
Project sa loob ng limang taon.
Sa bahagi naman ng imbentaryo, iba’t-ibang
mga mekanismo na suportado ng Convenio ang ginamit upang matukoy ang
iba’t-ibang mga gamit pangisda, mga isdang nahuhuli gamit ito at ang panahong
angkop gamitin ito. Ang pag-aaral ay isinagawa sa Sugod Bay sa Bacon District,
Sorsogon City.
Lumalabas na karamihan sa mga mangingisda
ay gumagamit ng single ply at 3-ply na lambat dahilan sa mataas na huli ng
magagandang uri ng isda limang buwan sa loob ng isang taon. Habang ang bunuan
na pumapangatlo lamang sa gamit sa pangisda ay may magandang huli ng isda anim
hanggang limang buwan sa loob ng isang taon.
Inilahad din ang katayuan ng pagpapalaki at
produksyon ng karagumoy sa Miguel A. Deniega Ecofarm at ang ginawang
feasibility study para apat na modelo sa pagpapatuyo ng karagumoy at bariw na
maaaring gamitin ng mga household beneficiaries.
Ang karagumoy at bariw ay mga uri ng
materyal na ginagamit sa paggawa ng mga handicraft tulad ng bayong, bag, banig
at iba pa.
Ayon pa kay Bolanos, maliban sa nais nilang
mailahad ang resulta ng kanilang mga pag-aaral sa komunidad, nais din nilang
kunin ang mga pananaw, komento, ideya at commitment ng mga dadalo bilang
basehan para sa mga mas konkreto pang hakbang para sa pag-unlad pa ng mga
komunidad na kanilang tinutulungan.
Ginawa umano ang mga pag-aaral sa iba-ibang
mga panahon at limang taon ang ginugol para sa pagpapatupad ng buong proyekto. (BARecebido,
PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment