Friday, April 26, 2013

Panibagong Sunog naitala sa lungsod ng Sorsogon kahapon



Ni: FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 26 (PIA) – Pasado alas singko na ng hapon nang bigla na lamang umalingawngaw ang sirena ng mga bumbero dito sa lunsod ng Sorsogon kahapon, Abril 25, 2013 patungo sa direksyon ng sunog sa Purok 7 brgy Bitan-o Sorsogon City.

Ayon kay SF01 Mendoza, Central Fire Station Commander ng Bureau of Fire Protection, Sorsogon City(BFP) nagsimula ang sunog sa isang bahay na magluluto sana gamit ang gasolina, matapos buhusan ang kalan at magsindi ng posporo ay bigla na lamang lumagablab ang bubong nitong anahaw at tuluyang kinain nang apoy ang mga kabahayang kalapit at pawang gawa sa mga light material.

Dahilan sa makipot ang kalsada nito at traysikel lamang ang maaring makapasok sa lugar ay kinailangan pa ng fire truck ng City BFP na umikot para makalapit lamang sa mga nasusunog na kabahayan.

Ayon pa kay Mendoza, gumamit na sila ng 8 fire hose na umaabot sa 400 feet ang haba para iapula ang apoy subalit kulang pa rin ito upang tuluyang mapatay ang nasusunog na mga kabahayan.

Sumaklolo din ang limang fire truck ng BFP mula sa iba’t-ibang fire sub-station sa Sorsogon pati na ang Fil-Chinese Volunteer na nagbigay ng karagdagang fire hose at suplay ng tubig.

Bandang alas syete kinse na ng gabi nang ideneklara ng City BFP na fire out na ang sunog sa lugarf.

Ayon pa kay Mendoza, sa inisyal na pagtatasa, umaabot sa 52 pamilyang nabubuhay sa pangingisda ang naapektuhan ng sunog.

Agad namang rumisponde sa lugar ang kapitan ng barangay at ilang lokal na opisyal nang pamahalaan upang alamin ang mga pangangailangan nito at bigyan ng tulong ang mga residenteng nawalan ng tirahan.

Ang ibang pamilyang nasunugan ay naglatag na lamang ng mga tolda sa basketball court at ang iba naman ay pansamantalang sumilong sa paaralang elementarya ng Brgy Bitan-o. Patuloy pang iniimbistigahan ng BFP ang naganap na insidente. (FB Tumalad-PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment