Wednesday, May 15, 2013

Halalan sa Sorsogon naging mapayapa, transmission ng election return hindi pa rin tapos

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Mayo 14 (PIA) – Sa kabila ng ilang mga ulat ng presensya ng mga armadong kalalakihang umali-aligid sa ilang mga lugar sa probinsya, nanatiling mapayapa ang naging halaln sa buong Sorsogon.

Ito ang kinumpirma ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni OIC Provincial Director PSSupt Ramon S. Ranara at ng Philippine Army sa pangunguna ng Task Sub-unit “Charge” ng 31st Infantry Battalion.

Sa naging panayam naman ng PIA kay Provincial Election Supervisor Atty Calixto Aquino, Jr. sinabi niyang sa provincial level, wala pa silang idinedeklarang nanalo sapagkat hindi pa kumpleto ang election returns na natatanggap nila. Aniya hanggang sa kasalukuyan wala pang transmitted result ang Sorsogon City at Bulan.

Tanging ang Precinct Counting Optical Scan (PCOS) machine ang magdedesisyon kung sino ang nanalo sa katatapos na halalan.

Sa mga humihingi naman umano ng opisyal na resulta mula sa kanila, sinabi nito na mayroon silang sinusunod na direktiba na kailangang kumpleto ang lahat na election returns mula sa 14 na munisipyo at isang lungsod ng Sorsogon bago sila makapagbigay ng opisyal na resulta ng halalan sa Sorsogon.

Aniya, dalawang barangay pa sa Sorsogon City, ang Sampaloc at Balete, at Brgy. Beguin sa bayan ng Bulan ang hindi pa makapag-transmit sa municipal canvassers dahilan sa hindi pa dumadating ang Compact Flash (CF) Cards na hinihintay nila mula sa Manila.

Dagdag pa ni Atty. Aquino na inaasahan nilang darating ang mga CF cards mamayang hapon at maipapadala na ang opisyal na resulta sa kanila ng natitirang nabanggit na lugar.

Samantala, alas-nueve ng umaga kanina ay pansamantalang itinigil muna ang bilangan ng Provincial Board of Canvassers at muling ipinagpaliban ito alas-dos mamayang hapon. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment