Lungsod ng Sorsogon, Mayo 14 (PIA) – Sa
kabila ng ilang mga ulat ng presensya ng mga armadong kalalakihang umali-aligid
sa ilang mga lugar sa probinsya, nanatiling mapayapa ang naging halaln sa buong
Sorsogon.
Ito ang kinumpirma ng pamunuan ng
Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni OIC Provincial Director PSSupt
Ramon S. Ranara at ng Philippine Army sa pangunguna ng Task Sub-unit “Charge”
ng 31st Infantry Battalion.
Sa naging panayam naman ng PIA kay
Provincial Election Supervisor Atty Calixto Aquino, Jr. sinabi niyang sa
provincial level, wala pa silang idinedeklarang nanalo sapagkat hindi pa
kumpleto ang election returns na natatanggap nila. Aniya hanggang sa
kasalukuyan wala pang transmitted result ang Sorsogon City at Bulan.
Tanging ang Precinct Counting Optical Scan
(PCOS) machine ang magdedesisyon kung sino ang nanalo sa katatapos na halalan.
Sa mga humihingi naman umano ng opisyal na
resulta mula sa kanila, sinabi nito na mayroon silang sinusunod na direktiba na
kailangang kumpleto ang lahat na election returns mula sa 14 na munisipyo at
isang lungsod ng Sorsogon bago sila makapagbigay ng opisyal na resulta ng
halalan sa Sorsogon.
Aniya, dalawang barangay pa sa Sorsogon
City, ang Sampaloc at Balete, at Brgy. Beguin sa bayan ng Bulan ang hindi pa
makapag-transmit sa municipal canvassers dahilan sa hindi pa dumadating ang Compact
Flash (CF) Cards na hinihintay nila mula sa Manila.
Dagdag pa ni Atty. Aquino na inaasahan
nilang darating ang mga CF cards mamayang hapon at maipapadala na ang opisyal
na resulta sa kanila ng natitirang nabanggit na lugar.
Samantala, alas-nueve ng umaga kanina ay pansamantalang
itinigil muna ang bilangan ng Provincial Board of Canvassers at muling ipinagpaliban
ito alas-dos mamayang hapon. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment