Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 17 (PIA) – Isa
sa mga binibigyang-diin ng kasalukuyang administrasyon ng pamahalaang lokal ng
Sorsogon ang pagsasaayos hindi lamang ng mga pasilidad pangkalusugan kundi ang
pagbibigay din ng serbisyong medikal sa mga Sorsoganon.
Sa darating na Hunyo 24 hanggang 28 ngayong
taon ay nakatakdang isagawa ng Sorsogon Provincial Health Office ang isang
surgical at dental mission sa loob mismo ng Dr.
Fernando B. Duran Memorial Hospital o
mas kilala sa tawag na Sorsogon Provincial Hospital.
Ayon kay Provincial Health Dr. Edgar
Garcia, kabilang sa mga serbisyong ibibigay ay ang paggamot
at pag-opera sa mga may oral cavity cancer kasama na ang mga mga kanser sa
dila; oropharyngeal tumor; tonsillar mass;
parotid mass; thyroid mass; neck mass; skin
cancer sa bahagi ng ulo at leeg; cleft lip; cleft palate at yaong may mga nasal
mass, nasomaxillary mass at sinus tumors. “Sa madaling salita, ang medical at
surgical mission ay kapapalooban ng mga gamutan at operasyon ng mga may bukol
sa bibig, lalamunan, dila, leeg, ilong, taynga, may mga goiter at yaong mga bungi.
Matatandaang una nang isinagawa ng Ears,
Nose and Throat-Out Patient Department (ENT-OPD) ng Provincial
Hospital ang screening ng mga pasyente sasailalim sa nasabing medical at
surgical mission tuwing araw ng Huwebes nitong mga nakalipas na linggo.
Ayon kay Dr. Garcia,
nakatulong ang pagdala ng mga pasyente ng dati nilang rekord ng kanilang mga
sakit o kapansanan at work-up kung kaya’t madali namang nasaayos ang gagawin sa
mga pasyente.
Sinabi ni Dr. Garcia na ang aktibidad sa
susunod na linggo ay naisakatuparan sa pagsusumikap
ng pamahalaang probinsyal ng Sorsogon sa pamamagitan ng Provincial Health
Office (PHO) na mapanatili ang pagtugon para sa serbisyong medikal ng mga
Sorsoganon. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment