Monday, June 17, 2013

Kalusugan ng mga Sorsoganon pangunahing prayoridad pa rin ng Provincial-LGU

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 17 (PIA) – Isa sa mga binibigyang-diin ng kasalukuyang administrasyon ng pamahalaang lokal ng Sorsogon ang pagsasaayos hindi lamang ng mga pasilidad pangkalusugan kundi ang pagbibigay din ng serbisyong medikal sa mga Sorsoganon.

Sa darating na Hunyo 24 hanggang 28 ngayong taon ay nakatakdang isagawa ng Sorsogon Provincial Health Office ang isang surgical at dental mission sa loob mismo ng Dr. Fernando B. Duran Memorial Hospital  o mas kilala sa tawag na Sorsogon Provincial Hospital.

Ayon kay Provincial Health Dr. Edgar Garcia, kabilang sa mga serbisyong ibibigay ay ang paggamot at pag-opera sa mga may oral cavity cancer kasama na ang mga mga kanser sa dila; oropharyngeal tumor; tonsillar mass; parotid mass; thyroid mass; neck mass; skin cancer sa bahagi ng ulo at leeg; cleft lip; cleft palate at yaong may mga nasal mass, nasomaxillary mass at sinus tumors. “Sa madaling salita, ang medical at surgical mission ay kapapalooban ng mga gamutan at operasyon ng mga may bukol sa bibig, lalamunan, dila, leeg, ilong, taynga, may mga goiter at yaong mga bungi.

Matatandaang una nang isinagawa ng Ears, Nose and Throat-Out Patient Department (ENT-OPD) ng Provincial Hospital ang screening ng mga pasyente sasailalim sa nasabing medical at surgical mission tuwing araw ng Huwebes nitong mga nakalipas na linggo.

Ayon kay Dr. Garcia, nakatulong ang pagdala ng mga pasyente ng dati nilang rekord ng kanilang mga sakit o kapansanan at work-up kung kaya’t madali namang nasaayos ang gagawin sa mga pasyente.

Sinabi ni Dr. Garcia na ang aktibidad sa susunod na linggo ay naisakatuparan sa pagsusumikap ng pamahalaang probinsyal ng Sorsogon sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) na mapanatili ang pagtugon para sa serbisyong medikal ng mga Sorsoganon. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: