Ang NGCP habang namamahagi ng mga kagamitan. |
Ni: Bennie A. Recebido
SORSOGON CITY, Hunyo 19 (PIA) – Sa kabila
ng pagbadyang uulan kahapon, naging maaliwalas pa rin para sa mga mag-aaral at
mga guro ng Danlog Elementary School ang umaga ng Hunyo 18, 2013 dahilan sa
biyayang natanggap ng mga ito mula sa National Grid Corporation of the
Philippines (NGCP) at sa naging pagbisita sa kanilang paaralan ng mga kasapi ng
lokal na media ng Sorsogon at lungsod ng Legazpi.
Ayon kay School Principal Ma. Grace Pega,
ito umano ang kauna-unahang pagkakataon simula ng siya ang maging punong guro
ng paaralan na may bumisita sa kanila na grupo ng mga media at mga tagapagdala
ng tulong katulad ng NGCP. Si Ginang Pega ay tatlong taon nang principal sa
nasabing paaralan.
147 mga mag-aaral mula sa Kinder hanggang
Grade Six ang nabiyayaan ng iba’t-ibang mga kagamitan sa pag-aaral na nakalagay
sa isang bag.
Kakaiba sa mga ordinaryong kwadernong
nabibili sa tindahan, ang kwadernong ipinamahagi ng NGCP ay may mga ‘Safety
Tips’ na nakalagay upang imulat ang kamalayan ng mga mag-aaral at maging ng mga
guro sa nararapat na pag-iingat lalo sa mga lugar na malalapit sa tore ng
kuryenteng may malalaking boltahe. Ang mga guro ay nakatanggap din ng ilang
kagamitan tulad ng lesson plan.
Sa naging mensahe ni NGCP Corporate Affairs
Department Head Nelson F. Cabangon, sinabi nitong ang ginawa nilang pamimigay
ng mga kagamitang pang-eskwela ay bahagi ng kanilang “Balik-Eskwela Program” sa
ilalim ng Corporate Social Responsibility (CSR) ng kanilang kompanya na
ginagawa nila sa mga host communities nila.
Abot-abot din ang pasasalamat ni Pilar
District II Supervisor Rodolfo Norito, Public School District Supervisor at ni
Danlog Brgy. Captain Rosalinda Asia sa tulong na ipinaabot ng NGCP sa Danlog
Elementary School. Ayon kay Brgy. Captain Asia, sa nakukuhang tulong ngayon at
sa mga darating pang tulong na matatanggap ng Danlog Elementay School, wala
nang dahilan ang mga magulang upang hindi papasukin nito ang kanilang mga anak
sa paaralan.
Muli namang idinulog ni School Principal Pega
ang rehabilitasyon o konstruksyon ng kanilang entablado o stage na madalas
gamitin ng paaralan sa kanilang mga aktibidad.
Ang Brgy. Danlog ay mayroong 250 mga
kabahayan na may mahigit isang libong populasyon. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment