Wednesday, June 19, 2013

Mag-aaral sa Danlog Elementary School nabiyayaan ng Balik-Eskwela Program ng NGCP

Ang NGCP habang namamahagi ng mga kagamitan.

Ni: Bennie A. Recebido

SORSOGON CITY, Hunyo 19 (PIA) – Sa kabila ng pagbadyang uulan kahapon, naging maaliwalas pa rin para sa mga mag-aaral at mga guro ng Danlog Elementary School ang umaga ng Hunyo 18, 2013 dahilan sa biyayang natanggap ng mga ito mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at sa naging pagbisita sa kanilang paaralan ng mga kasapi ng lokal na media ng Sorsogon at lungsod ng Legazpi.

Ayon kay School Principal Ma. Grace Pega, ito umano ang kauna-unahang pagkakataon simula ng siya ang maging punong guro ng paaralan na may bumisita sa kanila na grupo ng mga media at mga tagapagdala ng tulong katulad ng NGCP. Si Ginang Pega ay tatlong taon nang principal sa nasabing paaralan.

147 mga mag-aaral mula sa Kinder hanggang Grade Six ang nabiyayaan ng iba’t-ibang mga kagamitan sa pag-aaral na nakalagay sa isang bag.

Kakaiba sa mga ordinaryong kwadernong nabibili sa tindahan, ang kwadernong ipinamahagi ng NGCP ay may mga ‘Safety Tips’ na nakalagay upang imulat ang kamalayan ng mga mag-aaral at maging ng mga guro sa nararapat na pag-iingat lalo sa mga lugar na malalapit sa tore ng kuryenteng may malalaking boltahe. Ang mga guro ay nakatanggap din ng ilang kagamitan tulad ng lesson plan.

Sa naging mensahe ni NGCP Corporate Affairs Department Head Nelson F. Cabangon, sinabi nitong ang ginawa nilang pamimigay ng mga kagamitang pang-eskwela ay bahagi ng kanilang “Balik-Eskwela Program” sa ilalim ng Corporate Social Responsibility (CSR) ng kanilang kompanya na ginagawa nila sa mga host communities nila.

Abot-abot din ang pasasalamat ni Pilar District II Supervisor Rodolfo Norito, Public School District Supervisor at ni Danlog Brgy. Captain Rosalinda Asia sa tulong na ipinaabot ng NGCP sa Danlog Elementary School. Ayon kay Brgy. Captain Asia, sa nakukuhang tulong ngayon at sa mga darating pang tulong na matatanggap ng Danlog Elementay School, wala nang dahilan ang mga magulang upang hindi papasukin nito ang kanilang mga anak sa paaralan.

Muli namang idinulog ni School Principal Pega ang rehabilitasyon o konstruksyon ng kanilang entablado o stage na madalas gamitin ng paaralan sa kanilang mga aktibidad.

Ang Brgy. Danlog ay mayroong 250 mga kabahayan na may mahigit isang libong populasyon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment