Tuesday, July 30, 2013

DENR nagdeklara ng malawakang gyera laban sa mga iligal na nagbebenta, nagpupuslit at nag-aalaga ng mga buhay ilang sa bansa

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 29 (PIA) – Isang hudyat sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang lalo pang paigtingin ang kanilang operasyon laban sa mga iligal na nagnenegosyo at nagpupuslit ng mga buhay ilang matapos madiskubre at masamsam ng mga tauhan ng DENR kamakailan ang malaking bilang ng ibat-ibang hayop na walang awang pinatay sa isang tahanan sa Tondo, Maynila.

Nagbigay nang mahigpit na tagubilin si Secretary Ramon Paje Jr. sa mga opisyal at kawani ng DENR sa buong bansa ng malawakang gyera laban sa mga nagpupuslit, nagbebenta at nag-aalaga ng mga endangered species.

Nagbigay na rin ng utos kamakailan si Bicol Regional Executive Director Gilbert Gonzales sa lahat ng mga Wildlife Enforcement Officers (WEO)  at mga kawani ng mga tanggapan ng DENR dito sa bikol na paigitingin ang operasyon sa paghuli sa mga nasambit na gawain.

Suportado ng DENR Bicol ang bagong binuong Philippine Operations Group on Ivory and Illegal Wildlife Trade o mas kilala sa tawag na (POGI).

Ang POGI ay isang taskforce na siyang tumutugis at naghahain ng mga kaso laban sa mga pinaghihinalaang may ari at kasabwat ng mga nakumpiskang mga hayop.

May mabigat namang parusa na naghihintay para sa mga mahuhuli lalo na kung sinadyang pinatay ang mga ito para makaiwas sa pagkakahuli, ayon sa opisyal.

Ayon kay DENR RED Gonzales, ang iligal na pangangalakal ng mga buhay ilang ay may penalidad na P200.000 at dalawang taong pagkakakulong alinsunod sa Republic Act#9147, o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Habang ang pagpatay naman dito ay may kaparusahang pagkakakulong mula apat hanggang anim na taon at multang P50,000 hanggang kalahating milyong piso. (FB Tumalad, PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment