Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG
SORSOGON, Hulyo 26 (PIA) – Bibisita sa lalawigan ng
Sorsogon ang mga opisyal at kasapi ng Philippine Tour Operators Association
(Philtoa) bilang bahagi ng kanilang Albay-Masbate-Sorsogon (ALMASOR)
Familiarization Tour bukas, July 27 hanggang sa Sabado, July 28.
Sa sulat na
ipinadala ni ALMASOR convenor at Albay Governor Joey Salceda kay Sorsogon
Governor Raul R. Lee, napili ng Philtoa ang ALMASOR Tourism Development Concept
bilang bahagi ng official cluster destination para sa gaganaping 24th
Philippine Travel Mart sa darating na Setyembre 6 hanggang Setyembre 8, 2013.
Ang Philtoa ay
ang pinakamalaking asosasyon ng mga rehistrado at akreditadong tour operator sa
Pilipinas. Flagship program ng Philtoa ang Philippine Travel Mart kung saan
itinatampok dito sa pamamagitan ng exhibit at travel package tour ang magaganda
at kaakit-akit na mga lugar sa bansa.
Bilang panimula, magkakaroon
ng media launch sa rehiyon ng Bicol at isang familiarization trip din ang
iniskedyul upang ipakilala sa mga kasapi ng Philtoa at kasama nitong media ang
konsepto ng ALMASOR.
Ayon pa sa sulat
ni Gov. Salceda, layunin din ng aktibidad na ito na gamitin ang cluster
grouping ng ALMASOR sa pagpapaangat pa ng turismo, pagpapakita ng matibay na
sistema ng pagbubuklod ng pamahalaan at ng pribadong organisasyon para sa
pangmatagalang kaunlaran. Ipapakilala din sa Philtoa at national media ang mga
bagong produktong pang-turismo ng ALMASOR.
Ayon naman kay
Provincial Tourism Officer Cris Racelis, malaking suporta ang aktibidad na ito
sa promosyon at pagbebenta sa mga lokal at dayuhang turista ng mga magaganda at
natatanging destinasyon sa Albay, Masbate at Sorsogon.
Samantala, inalerto
naman ni PSSupt Ramon S. Ranara, Police Provincial Director ng Sorsogon ang kapulisan
sa mga lugar sa lalawigan na bibisitahin ng grupo partikular na ang Matnog,
Bulusan at Sorsogon City pati na rin ang mga dadaanang lugar ng mga ito upang
matiyak ang seguridad sa nasabing aktibidad. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment