Friday, July 26, 2013

PHILTOA bibisita sa Sorsogon



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 26 (PIA) – Bibisita sa lalawigan ng Sorsogon ang mga opisyal at kasapi ng Philippine Tour Operators Association (Philtoa) bilang bahagi ng kanilang Albay-Masbate-Sorsogon (ALMASOR) Familiarization Tour bukas, July 27 hanggang sa Sabado, July 28.

Sa sulat na ipinadala ni ALMASOR convenor at Albay Governor Joey Salceda kay Sorsogon Governor Raul R. Lee, napili ng Philtoa ang ALMASOR Tourism Development Concept bilang bahagi ng official cluster destination para sa gaganaping 24th Philippine Travel Mart sa darating na Setyembre 6 hanggang Setyembre 8, 2013.

Ang Philtoa ay ang pinakamalaking asosasyon ng mga rehistrado at akreditadong tour operator sa Pilipinas. Flagship program ng Philtoa ang Philippine Travel Mart kung saan itinatampok dito sa pamamagitan ng exhibit at travel package tour ang magaganda at kaakit-akit na mga lugar sa bansa.

Bilang panimula, magkakaroon ng media launch sa rehiyon ng Bicol at isang familiarization trip din ang iniskedyul upang ipakilala sa mga kasapi ng Philtoa at kasama nitong media ang konsepto ng ALMASOR.

Ayon pa sa sulat ni Gov. Salceda, layunin din ng aktibidad na ito na gamitin ang cluster grouping ng ALMASOR sa pagpapaangat pa ng turismo, pagpapakita ng matibay na sistema ng pagbubuklod ng pamahalaan at ng pribadong organisasyon para sa pangmatagalang kaunlaran. Ipapakilala din sa Philtoa at national media ang mga bagong produktong pang-turismo ng ALMASOR.

Ayon naman kay Provincial Tourism Officer Cris Racelis, malaking suporta ang aktibidad na ito sa promosyon at pagbebenta sa mga lokal at dayuhang turista ng mga magaganda at natatanging destinasyon sa Albay, Masbate at Sorsogon.

Samantala, inalerto naman ni PSSupt Ramon S. Ranara, Police Provincial Director ng Sorsogon ang kapulisan sa mga lugar sa lalawigan na bibisitahin ng grupo partikular na ang Matnog, Bulusan at Sorsogon City pati na rin ang mga dadaanang lugar ng mga ito upang matiyak ang seguridad sa nasabing aktibidad. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: