Tuesday, July 30, 2013

Matnog isang umuusbong na destinasyon ng mga lokal at dayuhang turista sa Sorsogon, kakulangan pa ng pasilidad tinututukan ng LGU

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 30 (PIA) – Kung dati ay sakayan lamang ng ferry boat at Roll-on Roll-off (RoRo) vessel papuntang Visayas at Mindanao ang alam ng karamihan sa tuwing maririnig ang bayan ng Matnog, ngayon ay nagsisimula na ring dagsain ito ng mga turista dahilan sa magagandang destinasyong pangturismong makikita dito.
                 
Unti-unti na ring nagiging pamoso ito dahilan sa mga malinaw na tubig at kulay-rosas na buhangin dito, maliban pa sa kinagigiliwang pakikisalamuha ng mga lokal at dayuhang turista sa mga isda sa Juag Lagoon na maaaring ma-enjoy kahit na sa mga regular na araw.

Subalit sa kabila nito, aminado si Matnog Municipal Mayor Emilio Ubaldo na ang kawalan ng maayos na pasilidad katulad ng kuryente, malinis na inuming tubig, palikuran at iba pang libangan ang ilan sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi mapanatili at hindi nagtatagal sa lugar ang mga dayuhang turista.

Kaugnay nito, hiniling ng alkalde sa Sangguniang Bayan ng Matnog  na maglaan ng pondo para sa Subic Beach at Tikling Island upang mabigyang prayoridad ang mga pasilidad dito kabilang na ang pagbibili ng  mga generator set  na pansamantalang magagamit upang mailawan ang mga cottage, masuplayan ng  maayos na tubig ang mga palikuran at mapanatili ang kalinisan sa lugar.

Nakipag-ugnayan na rin umano ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ni Mayor Ubaldo sa Department of Tourism (DOT) upang matingnan ang kanilang lugar at maibilang sa mga prayoridad ng ahensya ng sa gayon ay higit pang maging kaakit-akit ito sa mga dadayong turista.

Positibo ang mga Matnoguenos na bibigyan ng agarang atensyon ng DOT ang kanilang kahilingan lalo pa’t isa ito sa mga binisita ng mga opisyal at kasapi ng Philippine Tour Association (Philtoa) at mapalad na mapabilang sa mga tourist destination sa gagawing Philippine Travel Mart sa Setyembre, 2013.

Sa oras anila na maisaayos ang mga pasilidad ay inaasahang higit pang dadami ang turista, karagdagang trabaho at karagdagang kita hindi lamang sa mga Matnoguenos kundi makapag-aambag din ito sa paglakas ng industriya ng turismo sa bansa.


Samantala, inihayag naman ni Provincial Administrator Robert Rodrigueza ang iminumungkahing pagpapalit ng pangalan ng Subic Beach sa Matnog sa pangalang “Malarosa”, ito ay dahilan na rin umano sa palagiang naipagkakamali ito sa Subic sa Pampanga. Layunin ng pagbabago ng pangalan na magkaroon ang Subic sa Matnog ng sariling pagkakakilanlan. (BARecebido/PIA Sorsogon) 

No comments:

Post a Comment