Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG
SORSOGON, Hulyo 30 (PIA) – Kung dati ay sakayan lamang
ng ferry boat at Roll-on Roll-off (RoRo) vessel papuntang Visayas at Mindanao
ang alam ng karamihan sa tuwing maririnig ang bayan ng Matnog, ngayon ay
nagsisimula na ring dagsain ito ng mga turista dahilan sa magagandang
destinasyong pangturismong makikita dito.
Unti-unti na ring
nagiging pamoso ito dahilan sa mga malinaw na tubig at kulay-rosas na buhangin
dito, maliban pa sa kinagigiliwang pakikisalamuha ng mga lokal at dayuhang
turista sa mga isda sa Juag Lagoon na maaaring ma-enjoy kahit na sa mga regular
na araw.
Subalit sa kabila
nito, aminado si Matnog Municipal Mayor Emilio Ubaldo na ang kawalan ng maayos na pasilidad
katulad ng kuryente, malinis na inuming tubig, palikuran at iba pang libangan
ang ilan sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi mapanatili at hindi
nagtatagal sa lugar ang mga dayuhang turista.
Kaugnay nito, hiniling ng alkalde sa Sangguniang
Bayan ng Matnog na maglaan ng pondo para
sa Subic Beach at Tikling Island upang mabigyang prayoridad ang mga pasilidad dito
kabilang na ang pagbibili ng mga
generator set na pansamantalang
magagamit upang mailawan ang mga cottage, masuplayan ng maayos na tubig ang mga palikuran at
mapanatili ang kalinisan sa lugar.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang lokal na pamahalaan
sa pamamagitan ni Mayor Ubaldo sa Department of Tourism (DOT) upang matingnan
ang kanilang lugar at maibilang sa mga prayoridad ng ahensya ng sa gayon ay
higit pang maging kaakit-akit ito sa mga dadayong turista.
Positibo ang mga Matnoguenos na bibigyan ng agarang
atensyon ng DOT ang kanilang kahilingan lalo pa’t isa ito sa mga binisita ng
mga opisyal at kasapi ng Philippine Tour Association (Philtoa) at mapalad na
mapabilang sa mga tourist destination sa gagawing Philippine Travel Mart sa
Setyembre, 2013.
Sa oras anila na maisaayos ang mga pasilidad ay
inaasahang higit pang dadami ang turista, karagdagang trabaho at karagdagang
kita hindi lamang sa mga Matnoguenos kundi makapag-aambag din ito sa paglakas
ng industriya ng turismo sa bansa.
Samantala, inihayag naman ni Provincial
Administrator Robert Rodrigueza ang iminumungkahing pagpapalit ng pangalan ng
Subic Beach sa Matnog sa pangalang “Malarosa”,
ito ay dahilan na rin umano sa palagiang naipagkakamali ito sa Subic sa
Pampanga. Layunin ng pagbabago ng pangalan na magkaroon ang Subic sa Matnog ng
sariling pagkakakilanlan. (BARecebido/PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment