Wednesday, July 31, 2013

On-line Application para sa PNP Entrance at Promotional Exam, binuksan na ng NAPOLCOM



Ni: Bennie A. Recebido

LUNSGOD NG SORSOGON, HULYO 31 (PIA) – Bukas na ngayon sa pagtanggap ng on-line applicant ang National Police Commission (NAPOLCOM) para sa mga interesadong pumasok sa pagpupulis at sa mga nasa serbisyo na nais tumaas pa ang kanilang mga ranggo.

Ayon kay NAPOLCOM Regional Director Rodolfo G. Santos Jr., nakatakdang gawin ang regular na Philippine National Police (PNP) Entrance Exam at Promotional Exam sa Oktubre 20, 2013 sa ilalim ng On-Line Examination Application Scheduling System (OLEASS).

Aniya, ang on-line schedule para sa pagsumite ng aplikasyon para sa Entrance Examination ay sinimulan na noong Lunes, Hulyo 29, 2013 na magtatagal hanggang Agosto 7, 2013, habang naka-iskedyul naman sa Agosto 8-16, 2013 ang Promotional Examination.

Binigyang diin ni Dir. Santos na ang mga aplikante ay dapat na gumamit ng on-line system sa paghingi ng iskedyul para sa pagsumite ng examination application na gagawin sa NAPOLCOM Regional Office simula Agosto 19 hanggang Seyiembre 13, 2013.

Bumisita lamang umano o mag-log-on ang mga interesadong aplikante official website ng NAPOLCOM www.napolcom.gov.ph at punuan ang application form na makikita doon para sa kanilang scheduled-appointment ng pagsusumite ng aplikasyon.

Isang letter-reply confirmation naman ang ipapadala ng NAPOLCOM sa e-mail address na ibinigay ng aplikante kung saan dapat na dalhin ang kopya nito kasabay ang iba pang documentary requirement na isusumite ng aplikante sa regional office ng NAPOLCOM na matatagpuan sa Government Regional Center, Rawis Legazpi City.

Lahat ng aplikante ay kailangang personal na pumunta sa nasabing opisina ayon sa itinakdang petsa o araw na nakalagay sa computer generated letter-reply confirmation.

Paglilinaw ni Dir. Santos na hindi nila tatanggapin o ipoproseso ang aplikasyon ng mga walk-in applicants na hindi makapagpapakita ng on-line confirmation.

Samantala, inoobliga din ng NAPOLCOM ang mga aplikanteng PNP na isuot ang kanilang kumpletong GOA TYPE “B” uniform sa pagsusumite ng kanilang aplikasyon.
Inaabisuhan din ang mga aplikante na pumunta sa NAPOLCOM Regional Office, 15 minuto bago ang itinakdang schedule appointment dala ang mga sumusunod na dokumento at rekisitos:

Para sa Entrance Examinee: Transcript of Scholastic Records; Birth Certificate na inisyu ng Local Civil Registrar o National Statistic Office; dalawang piraso ng magkapareho at pinakahuling kuhang 1”x1” colored ID picture na may puting background at kumpletong name tag; isang Legal-sized window envelope na may P9.00 halaga ng mailing stamp; Examination fee na P400.00; at Certified copy ng attested appointment, plantilla appointment o order para sa mga Police Officer 1 (PO1) na may Temporary Appointment.

Ang mga aplikante sa nasabing eksaminasyon ay dapat na 30 taong gulang pababa, nakapagtapos ng Bachelor’s Degree, at may taas na 1.62 metro o 5’4” para sa mga lalaki at 1.57 meter o 5’2” sa mga babae.

Para sa Promotional Examinee: Certified True Copy ng Attested Appointment, Plantilla o PNP Absorption Order; Report of Rating/Certification na inisyu ng NAPOLCOM Central Office; CSC Certification of Eligibility o PRC Board of Eligibility; dalawang dalawang piraso ng magkapareho at pinakahuling kuhang 1”x1” colored ID picture na may puting background at kumpletong name tag; isang Legal-sized window envelope na may P9.00 halaga ng mailing stamp; Examination fee na: P400.00 para sa PO Exam; P450.00 para sa SPO; P500.00 para sa INSP; at P600.00 para sa SUPT.

Dagdag pa ni Dir. Santos na ang pagtanggap nila ng on-line application ay gagawin alinsunod sa “FIRST COME, FIRST SERVED BASIS”. (BARecebido, PIA Sorsogon/RBolima)

No comments: