Friday, October 25, 2013

Guinness World Record ng sabay-sabay na nagpapasusong ina target na malampasan

Mga nagpasusong ina na nakilahok sa aktibidad.

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 25 (PIA) – Target na malampasan ng mga tagapanguna ng isinagawang “Simultaneous Breastfeeding in Multiple Sites” kahapon, Oktubre 24, ang kasalukuyang 15,128 na rekord ng sabay-sabay na mga nagpasusong ina sa 295 na mga lugar na nakatala sa Guinness Book of World Records.

Ayon kay Elmer Luis Bonos, site organizer ng aktibidad sa Sorsogon City, 1,000 breastfeeding centers ang itinalaga sa buong Pilipinas at mga kalapit na bansa nito sa Asya upang makuha ang 30,000 na bilang ng pares ng inang magpapasuso at anak na papasusuhin.

Aniya, sa anim na aydentipikadong breastfeeding center sa Sorsogon, target lamang nila ang 180 mother and child pairs, subalit umabot ito sa bilang na 337 kung kaya’t malakas umano ang kanyang paniniwala na malalampasan nila ang kasalukuyang tala ng Guinness World Record.

Sa bayan ng Irosin ay umabot sa 76 na mother-child pair ang nagrehistro at nagpasusuo ng kanilang mga anak; sa bayan ng Casiguran ay 57; 32 sa Magallanes; 64 sa Gubat; 43 sa Bulan; at 105 sa Sorsogon City.

Tinaguriang “Sabay-sabay Sumuso sa Ina”, sabay-sabay na ginawa ang pagpasuso ang mga ina alas-dyes ng umaga kahapon na tumagal ng isang minuto.

Ang “Simultaneous Breastfeeding in Multiple Sites” ay inorganisa ng Nurturers of the Earth, Members Church of God International at ng UNTV.

Ayon sa mga organizers, matapos nilang maisumite sa kinauukulan ang mga kailangang dokumento ay hihintayin na lamang nila ang resulta kung nakuha nila ang kanilang target na mapalampasan ang kasalukuyang record ng Guinness World.

Ang PIA Sorsogon ang isa sa mga napiling maging witness sa nasabing aktibidad.

Matatandaang ang pagpapasuso ng mga ina ng kanilang sanggol/anak ay isa sa mga mahahalagang programa din ng pamahalaan na mahigpit na ipinatutupad mula ipanganak ang bata hanggang sa ikalawang taon nito o hanggat gusto ng batang sumuso sa ina.

Pinakamalusog sa lahat ng uri ng mga gatas para sa sanggol ay ang gatas ng ina. Nakapagtataguyod ng kalusugan ang pagpapasuso, nakatutulong sa pag-iwas sa karamdaman, at nakababawas ng mga halagang pangpagpapakain at pangangalagang pangkalusugan. (BARecebido, PIA-5/Sorsogon)

No comments:

Post a Comment