Friday, October 15, 2010

KASANGGAYAHAN FESTIVAL 2010 OPISYAL NA MAGSISIMULA SA OCT. 18

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (Oct. 15) – Opisyal na magbubukas ang mga aktibidad ng Kasanggayahan Festival 2010 sa darating na Lunes, Oktubte 18 at magtatagal hanggang sa Oktubre a-trenta y uno.

Ang kasanggayahan festival ang official festival ng Sorsogon at nagsisilbing kalipunan ng lahat ng mga festival sa labing-apat na munisipalidad at isang lungsod ng lalawigan na tumatampok sa kasaysayan, kultura at kabuhayan ng mga Sorsoganon.

Ayon kay Kasanggayahan Foundation, Inc. Chairperson Msgr. Francisco P. Monje, sa ilalim ng temang: Continuing Commitment to Sorsogon’s Historical, Cultural and Religious Heritage, makikita at madarama ang patuloy na pagtaguyod sa pagkakaisa ng lokal na gobyerno at ng Kasanggayahan Foundation Incorporated (KFI) na ipakilala hindi lang sa Rehiyon ng Bicol, kundi sa buong Pilipinas, at maging sa buong mundo ang Sorsogon at ang mga katangian nito, lalo na sa larangan ng turismo.

Maaalalang isa na ngayon sa top 5 tourist destinations sa Pilipinas ang Donsol, Sorsogon kung saan dinadayo ito ng mga turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang makita ang whale sharks o butanding, ang pinakamalaking isda sa mundo.

Sa pagbubukas ng halos dalawang linggong pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival 2010, isang programa ang inihanda sa Capitol Kiosk sa October 18, na sisimulan sa pamamagitan ng banal na misa ng pasasalamat at susundan ng opening program.

Sa umaga, tatampukan ang mga aktibidad ng blessing ng Kasanggayahan Trade Fair and Exhibit sa Capitol Kiosk at groundbreaking ng Balay Kasanggayahan habang sa hapon naman gagawin ang Civic, Historico-Cultural at Float Parade, Street Dance Presentation at Fireworks display naman sa gabi.

Inaasahan din ang pagdalo ni Department of Tourism Regional Director Maria Ravanilla sa okasyon ng pagbubukas ng Kasanggayahan Festival 2010.

Samantala, idineklara namang special local holiday ang October 18 sa bisa ng ipinalabas na Executive Order No. 006 series of 2010 ni Sorsogon Governor Raul R. Lee. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

CONSULTATION MEETING PARA SA IMINUMUNGKAHING GEOTHERMAL EXPLORATION SA 2ND DISTRICT ISINAGAWA

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (Oct. 15) – Nagbunga ng positibong reaksyon mula sa mga dumalo ang isinagawang consultation meeting noong Martes kaugnay ng iminumungkahing geothermal exploration and development project sa ikalawang distrito ng lalawigan ng Sorsogon.

Naroroon sa pagpupulong si Sorsogon Governor Raul Lee, mga alkalde ng Bulusan, Irosin at Juban, mga kinatawan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, OIC Chief ng DOE Ariel Fronde at si Sta. Magdalena Mayor Alajandro Gamos, dating manager ngTiwi Geothermal Power Plant sa Albay.

Naroroon din ang mga kinatawan ng SKI na kinabilangan nina Environmental Engineer Letecia de la Cruz at ang President at CEO na si Albert Altura.

Ang proposed geothermal exploration and development project dito sa Sorsogon partikular sa Mt. Bulusan area ay proyekto ng Department of Energy (DOE) at Summa Kumagi, Inc. (SKI) Construction Group, isang kompanyang Pilipino na siyang nagawaran ng rehistrasyon bilang geothermal service contractor ng proyekto.

Matatandaang naging matagumpay din ang isinagawang preliminary consultation noong ika-pito ng Hulyo nitong taon dito sa Sorsogon bilang bahagi ng mandato ng DOE na pataasin ang kamalayaan at pagpapahalaga ng publiko sa renewable energy projects.

Sa pagpupulong, tinalakay ang work program at iba pang mga mahahalagang isyu kaugnay ng proposed geothermal exploration and project sa Mt. Bulusan at kinumpirma rin ang patuloy na suporta para sa maayos na operasyon ng proyekto.

Ayon kay Benjamin Monzon, Special Project Manager at Spokesperson ng SKI, matapos ang kanilang consultancy at advocacy campaign ay agad na nilang isusunod ang exploration phase sa Irosin caldera base sa rekomendasyon ng DOE mula sa rekomendasyon din ng Philippine Volcanology and Seismology.

Paliwanag ni Monzon, sa exploration stage ay kukuha sila ng mga sample ng bato, tubig at lupa upang isailalim sa mga pagsusuri, kasama na rin ang pagsasagawa ng obserbasyon at Environmental Impact Assessment bago tuluyang simulan ang proyekto.

Ang steam ay kukunin sa mga barangay ng Bacolod, Tabon-Tabon, Mapaso, Mombon, Gulang-Gulang at Tinampo sa bayan ng Irosin, Brgy. Aroroy at AƱog sa Juban at sa San Roque, San Francisco at San Jose sa bayan naman ng Bulusan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

Wednesday, October 13, 2010

Lalawigan ng Sorsogon nakapagtala ng 41, 044 bagong Philhealth card holders

Tagalog News Release

LALAWIGAN NG SORSOGON - 41, 044 na mga Sorsoganon ang nakapag-parehistro sa Philhealth simula noong Oktubre 2 nitong taon kaugnay ng nationwide Philhealth registration na sinusulong ng ating pamahalaan.

Ang Philhealth registration ay isinagawa sa bawat munisipyo at lungsod ng Sorsogon sa buong lalawigan.

Ayon kay Alfredo Jubilo, Chief Social Insurance Officer ng Philhealth, naging maayos ang sistema ng nangyaring pagpapa-rehistro dahil na rin sa tulong ng mga local government units, PNP at iba’t ibang mga organisasyon kaya maraming mahihirap ang mabibigyan ng pagkakataong maka-benepisyo nito.

Ayon pa kay Jubilo, sa ganitong layunin magiging prayoridad ang kapuspalad na mga indibidwal sa tulong ng kanilang Philhealth card, lalo na aniya sa oras na may suliranin sa kalusugan at kailangan ang serbisyo ng mga ospital. (Von Labalan, PIO Sorsogon Provincial LGU)

SOME FIRE SAFETY TIPS WHICH COULD HELP PREVENT A FIRE IN YOUR HOME

•Eliminate fire hazards through good housekeeping. Dispose waste papers, rubbish, and other flammable materials regularly.

•Keep matches out of children’s reach.

•Oil or gas lamps and candles should be placed away from curtains. Put out the flame before going to bed.

•Do not keep flammable materials like gasoline, alcohol, and paint inside the house.

•Regularly check your electrical installations, and have frayed wirings and electrical fixtures changed or repaired by a licensed electrician.

•Do not overload electrical circuits by plugging additional lights and electrical appliances.

•Blown fuses should not be replaced with wires or any metal.

•Never leave a lit cigarette/cigar/pipe unattended-it may fall on flammable materials which could start a fire.

•Always have a handy First-Aid Kit in the house.

(Source: Bureau of Fire Protection-Sorsogon as part of their re-enforcing public awareness to enhance their readiness in order to minimize the occurrence of fire incidents.)

Tuesday, October 12, 2010

SORSOGON BAY NANANATILING POSITIBO SA PARALYTIC SHELLFISH POISON; JUAG LAGOON LIGTAS NA SA RED TIDE

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE – Positibo pa rin sa red tide hanggang sa kasalukuyan ang katubigan ng Sorsogon Bay.

Ito ay batay sa shellfish bulletin No. 24, ang pinakahuling shellfish bulletin na ipinalabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na may petsang October 7, 2010.

Dahilan dito, nananatiling ipinagbabawal pa rin ang pagkuha o pagkain ng mga shellfish mula sa look ng Sorsogon at mahigpit na pinag-iingat ang publiko.

Samantala, matatandaan namang sa shellfish bulletin No. 22 na may petsang Setyembre 9 ay inalis na ng BFAR sa listahan ng mga positibo sa red tide ang Juag Lagoon na ilang buwang nakontamina din ng pyrodinium bahamense.

Nangangahulugan itong inaalis na rin ang shellfish ban dito at ligtas nang kainin ang mga shellfish na makukuha mula dito.

Sa ngayon, tanging ang Sorsogon Bay sa Sorsogon City, Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, Matarinao Bay sa Eastern Samar, Murcielagos Bay sa Zamboanga sel Norte at Misamis Occidental na lamang ang positibo sa red tide contamination o sa paralytic shellfish poisoning. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

ORDINANSANG MAGBABAWAL SA PAGGAMIT NG MGA PLASTIC BAG ISINUSULONG

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (Oct. 12) – Isinusulong ngayon ni 2nd district provincial board member Vladimir Ramon Frivaldo ang isang resolusyon na magbabawal sa mga tindahan sa buong lalawigan ng Sorsogon sa paggamit ng mga plastic bag bilang suporta na rin sa RA 9003 o ang Philippine Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Ayon kay Frivaldo, dapat lamang na pagtuunan ng masusing pansin ang patuloy na pagkakasira ng kalikasan ngayon at ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga basurang nagdadala ng masamang epekto sa kapaligiran.

Sa resolusyong isinusulong ng bokal, ipagbabawal na ang paggamit ng mga plastic bag sa mga public at supermarket, convenient, sari-sari at department stores, talipapa, mga fast food chains at iba pang mga establisimyento sa Sorsogon dahilan sa mga panganib na maaaring dalhin nito lalo na’t hindi pa rin talagang natututunan ng publiko ang tamang pamamahala sa basura.

Sa halip na mga plastic bag na aniya’y nagdadala ng peligro sa kalikasan at nagdudulot ng pagkakabara ng mga kanal at estero ay iminumungkahi ni Frivaldo ang paggamit ng bayong at mga paper bags dahilan sa mas madali itong natutunaw kapag itinapon.

Nakapaloob din sa kanyang resolusyon na papatawan ng penalidad at kaukulang parusa ang sinumang lalabag dito sakaling tuluyan itong maipasa at ganap nan maging ordinansa.

Matatandaang sa kamaynilaan, bago natapos ang nakaraang buwan ay sinimulan nang ipatupad ang paggamit ng mga reusable bags at hindi na paggamit ng mga plastic bags sa mga mall at supermarket tuwing Miyerkules sa ilalim ng isang memorandum of understanding sa pagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga pangunahing shopping malls sa Maynila.

Pinuri naman sa ilang mga Sorsoganon ang hakbang na ito ni Frivaldo lalo pa’t sa tala ng DENR nasa 756,986 kilograms ng mga basura ang nakolekta nila mula sa mga dalampasigan at mga estero sa isinagawa nilang cleanup drive noong nakaraang taon.

Tiwala naman si Frivaldo na sa pamamagitan nito ay mas mapapangalagaan ang kalikasan at mapapababa ang epektong dala ng climate change at higit sa lahat, ay mas mapupukaw ngayon ang pagiging responsible ng mga mamamayan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

SORSOGON CITY NAGSASAGAWA NG LEGISLATIVE TRACKING

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (Oct. 12) – Isang Legislative Tracking ang isinasagawa ngayon ng Sorsogon City na magiging sandata ng pamahalaang lokal ng lungsod upang makapagpatupad ng maayos at napapanahong mga programa para sa ikauunlad ng lungsod ng Sorsogon.

Ayon kay Mandy Lucila, chief of staff ng vice-mayor’s office, sa pamamagitan ng isang ordinansa, nais ng tanggapan ni Sorsogon City Vice Mayor Robert Rodrigueza at ng mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod na makapagsagawa ng isang legislative tracking upang tukuyin ang mga existing ordinances na hindi na napapanahon at dapat nang baguhin o palitan.

"Ang hakbang na ito ay bahagi ng computerizatuio program ng lungsod at isa din sa mabisang hakbang upang maiwasan ang duplication o pagkakahalintulad ng mga ordinansang nais isulong at ipasa ng legislative body," dagdag pa niya.

Sa pahayag pa ni Lucila, sinabi nitong lahat ng ordinansa ng lungsod ay ipapasok sa isang database system nang sa gayon ay mas magiging madali sa mga kinauukulan ang pagtukoy sa mga ordinansang dapat na ipatupad agad ng lokal na pamahalaan at pagtukoy sa mga ordinansang kailangang rebisahin na ng Sangguniang Panlungsod.

Samantala, positibo naman si Vice Mayor Rodrigueza at ang mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod na bago matapos ang taon ay tuluyan nang maipapasa ang ordinansang sasaklaw sa hakbang na ito. (Bennie A. Recebido,PIA Sorsogon)