Monday, October 8, 2012

“Tiriladan” tampok sa pagbubukas ng Kasanggayahan Festival 2012

Sorsogon Gov. Raul Lee, Bishop Bastes at SPMO Dir. Sally Lee


Ni: Bennie A. Recebido


LUNGSOD NG SORSOGON, October 8 (PIA) – Opisyal nang binuksan bago mag-alas nueve ng umaga kanina ang Festival ng lalawigan ng Sorsogon, ang Kasanggayahan Festival, matapos na ipagdiwang ang banal na misa dakong alas syete ng umaga.

Ang programa ng pagbubukas ay tinampukan ng Ceremonial Nut Cracking Activity o mas sikat sa lokal na terminong “Tiriladan”.
 
Buong pwersa din ng iba’t-ibang mga departamento ng pamahalaang probinsyal, national agencies, mga Local Government Unit, National Line Agencies, mga non-government organizations at ordinaryong mga Sorsoganon ang nakilahok sa ginawang “Tiriladan” sa harapan ng Kapitolyo Probinsyal.

Masaya ang naging partisipasyon ng lahat partikular ng mga bisita na may kanya-kanyang tadtaran at itak o di kaya’y bato na gagamitin upang biyakin ang “lagting” o shell ng pili upang makuha ang pili nut sa loob nito.

Ang pili ang isa sa mga produktong ipinagmamalaki ng Sorsogon kung saan tanyag ang lalawigan bilang may pinakamalinamnam na lasa at pinakamagandang uri ng pili.

Pinangunan din ni Sorsogon Bishop Arturo M. Bastes ang misa at kabilang rin sa kanyang homiliya ang isang magandang mensahe ng patuloy na pagkakaisa at pagsusulong ng agrikultura at mga natatanging produktong makikita sa lalawigan ng Sorsogon.

AFP, PIA, GSP at media nakiisa sa "Tiriladan"
Mamayang hapon ay nakatakdang makasalamuha ng mga local tri-media si Phil. Red Cross Chair Richard Gordon sa pamamagitan ng isang pressconference sa pangunguna ng provincial government sa pakikipagtulungan sa Philippine Information Agency (PIA) Sorsogon.

Samantala, malinaw din ang naging panawagan ni Sorsogon Provincial Management Office Executive Director Sally Ante-Lee sa mga Sorsoganon na magkaisa sa pagpapakilala sa mga natatanging yaman ng Sorsogon na makikita ngayon sa Capitol Grounds. 

Tampok sa pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival 2012 ang pagsusulong ng agrikultura at industriya na may layuning mapalago pa ang agri-tourism na matagal nang ninanais ng Sorsogon.

Ang Festival ng Sorsogon ay ipinagdiriwang sa buwan ng Oktubre, at ngayong taon ay ipagdiriwang ito simula Oktubre 18 hanggang sa Oktubre 17, ang araw na opisyal na humiwalay ang Sorsogon mula sa Albay at naging ganap na lalawigan. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment