Sorsogon Gov. Raul Lee, Bishop Bastes at SPMO Dir. Sally Lee |
Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON,
October 8 (PIA) – Opisyal nang binuksan bago mag-alas nueve ng umaga kanina ang
Festival ng lalawigan ng Sorsogon, ang Kasanggayahan Festival, matapos na
ipagdiwang ang banal na misa dakong alas syete ng umaga.
Ang programa ng pagbubukas
ay tinampukan ng Ceremonial Nut Cracking Activity o mas sikat sa lokal na
terminong “Tiriladan”.
Buong pwersa din ng
iba’t-ibang mga departamento ng pamahalaang probinsyal, national agencies, mga
Local Government Unit, National Line Agencies, mga non-government organizations
at ordinaryong mga Sorsoganon ang nakilahok sa ginawang “Tiriladan” sa harapan ng Kapitolyo Probinsyal.
Masaya ang naging
partisipasyon ng lahat partikular ng mga bisita na may kanya-kanyang tadtaran
at itak o di kaya’y bato na gagamitin upang biyakin ang “lagting” o shell ng
pili upang makuha ang pili nut sa loob nito.
Ang pili ang isa sa mga
produktong ipinagmamalaki ng Sorsogon kung saan tanyag ang lalawigan bilang may
pinakamalinamnam na lasa at pinakamagandang uri ng pili.
Pinangunan din ni Sorsogon
Bishop Arturo M. Bastes ang misa at kabilang rin sa kanyang homiliya ang isang magandang
mensahe ng patuloy na pagkakaisa at pagsusulong ng agrikultura at mga
natatanging produktong makikita sa lalawigan ng Sorsogon.
AFP, PIA, GSP at media nakiisa sa "Tiriladan" |
Samantala, malinaw din ang
naging panawagan ni Sorsogon Provincial Management Office Executive Director
Sally Ante-Lee sa mga Sorsoganon na magkaisa sa pagpapakilala sa mga
natatanging yaman ng Sorsogon na makikita ngayon sa Capitol Grounds.
Tampok sa pagdiriwang ng Kasanggayahan
Festival 2012 ang pagsusulong ng agrikultura at industriya na may layuning
mapalago pa ang agri-tourism na matagal nang ninanais ng Sorsogon.
Ang Festival ng Sorsogon ay ipinagdiriwang
sa buwan ng Oktubre, at ngayong taon ay ipagdiriwang ito simula Oktubre 18
hanggang sa Oktubre 17, ang araw na opisyal na humiwalay ang Sorsogon mula sa
Albay at naging ganap na lalawigan. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment