Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 21 (PIA) – Sa
darating na ika-25 ng Hunyo ay ipagdiriwang sa bansa ang Arbor Day o ang
tinatawag na Tree Planting Day alinsunod sa Presidential Proclamation No. 643
na may petsang Hunyo 9, 2004.
Kaugnay nito, nagpalabas ng memorandum
Circular No. 2012 – 70 ang Department of Interior and Local Government (DILG)
kung saan inatasan nito ang lahat ng mga gobernador, alkalde ng mga lungsod at
bayan, provincial, City at Municipal Chapter President ng mga Liga ng mga
Barangay, mga punong barangay at regional governor ng Auronomous Region in
Muslim Mindanao (ARMM) na ipagdiwang ang Arbor Day ngayong taon.
Ang hakbang na ito ay alinsunod din sa
Executive Order No. 26 ni Pangulong Benigno S. Aquino III na nilagdaan niya
noong ika-11 ng Pebrero na nag-aatas sa mahigpit na pagpapatupad ng National
Greening Program (NGP) bilang pangunahing prayoridad ng pamahalaan.
Sa Sorsogon, nakatakdang magsagawa ang
Department of Environment and Natural Resources (DENR) Ofice, Community ENRO at
Provincial ENRO kasama ang lokal na pamahalaan ng Gubat at mga lokal na
residente sa Brgy. Ariman sa bayan ng Gubat, Sorsogon.
Ayon kay Anabelle Barquilla, forester ng
DENR Sorsogon, dati na umano nila itong project site sa greening program nila
noon at nais nilang hindi lamang mapalitan ng mga panibago ang mga nangamatay
na nilang pananim kundi madagdagan pa ito.
Aabot sa 500 agoho seedlings ang nakatakda
nilang itanim sa araw ng pagdiriwang ng Arbor Day sa Lunes.
Dagdag pa ni Barquilla na sabay-sabay ding
magsasagawa ng tree planting activity ang iba’t-ibang mga Local Government
Units sa Sorsogon sa kani-kanilang mga napiling lugar na pagtatamnan.
(BARecebido, PIA Sorsogon)