Friday, February 5, 2010

News Release

DALAWANG KAMPUS NG SORSOGON STATE COLLEGE TINAGURIANG PROV’L INSTITUTES FOR AGRI-FISHERIES

SORSOGON PROVINCE (February 1)– Konsiderado na ngayong Provincial Institutes for Agri-Fisheries ang dalawang kampus ng Sorsogon State College (SSC) dito sa lalawigan ng Sorsogon.

Ito ay matapos na bigyang akreditasyon ng Commission on Higher Education (CHED) ang SSC campus sa bayan ng Castilla at Magallanes ng provincial institute status bago magtapos ang tumalikod na taong 2009.

Ayon kay SSC President Antonio Fuentes sa pamamagitan ng Programs and Standards Office ng CHED, nagsagawa ito ng field evaluation and validation sa mga campus ng Castilla at Magallanes noong mga unang buwan ng 2009 alinsunod na rin sa mga mahahalagang probisyon sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 7722, o mas kilala sa tawag na “Higher Education Act of 1994”.

Layunin nitong isulong at pataasin ang kalidad ng edukasyon ng mga paaralang pangkolehiyo na nagbibigay ng mga kursong may kaugnayan sa agrikultura at pangisdaan sa bansa tulad na nga nitong mga kampus ng Sorsogon State College sa Castilla at sa Magallanes.

Matapos itong ideklara bilang Provincial Institutes for Agri-Fisheries, ang Castilla at Magallanes campus ay kapwa nakatanggap ng grant na nagkakahalaga ng kalahating milyon na magmumula sa General Appropriations Act fund upang pondohan ang taunang priority projects nito.
Samantala, tatlong programa ng Castilla campus ang binigyan ng akreditasyon ng Accrediting Agency of Chartered Colleges and Universities of the Philippines (AACCUP).

Ang tatlong programa o kursong ito ay ang Bachelor in Agricultural Technology, Bachelor of Science in Agricultural Development, and Bachelor of Science in Veterinary Technology na nakakuha ng status na may bisa mula July 16, 2009 hanggang July 15, 2011 sa isinagawang preliminary survey ng AACCUP.

Una na rito ay binisita na ng AACCUP, early 2009 ang Castilla campus at dahilan sa impressive performance ng tatlong programang nabanggit ay nakuha nito ang nasabing akreditasyon.

Sinabi ni Fuentes na dahilan dito at sa pagkakadeklarang Provincial Institute for Agri-Fisheries ng Castilla at Magallanes campus, mas maraming mga mag-aaral ang sa ngayon ay nakatitiyak ng de-kalidad na edukasyon na dapat nilang makuha nang hindi na pumupunta pa sa malalayong paaralan o unibersidad, kung kaya’t hinikayat din niya ang mga mag-aaral na mag-enrol na sa nasabing mga kampus. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: