PAGBISITA NI PGMA SA SORSOGON TUMUTOK SA EDUKASYON AT TURISMO
SORSOGON PROVINCE (February 23) – Dalawa sa kanyang mga programa ang tinutukan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang pagbisita sa bayan ng Donsol kahapon, bilang bahagi na rin ng kanyang super region tour sa pagtatapos ng kanyang termino bilang Pangulo ng Pilipinas at upang inspeksyunin na rin ang mga proyektong ipinatupad sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Partikular na tinutukan ng Pangulo ay ang kanyang mga naging programa sa edukasyon at turismo.
Sa larangan ng edukasyon, naging tampok sa kanyang pagbisita ang switch on activity ng internet connection sa Donsol Comprehensive National High School bilang bahagi ng ipinatutupad na computerization and internet connectivity program ng pamahalaan.
Ayon kay Department of Education Sorsogon Schools Division Superintendent Marilyn Dimaano, nasa labindalawang yunit ng mga computer with internet connection ang sa ngayon ay magagamit at mapapakinabangan na hindi lamang ng mga mag-aaral kundi maging ng mga guro sa kanilang paaralan.
Sa maikling programang isinagawa, iprinisinta naman ng Department of Education ang mga naging accomplishment ng national government sa mga programa nito sa edukasyon tulad ng scholarship programs na ipinatutupad ng Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), high school educational assistance o GASTPE, classroom construction, additional textbooks at english, math and science teacher’s training.
Sa larangan ng turismo, tinutukan naman ng Pangulo ang ipinatupad na programa ng Department of Tourism sa Donsol na kabahagi ng P600 Billion Tourism Central Philippines super region project.
Matatandaang kabilang ang rehiyon ng Bikol sa limang tourist corridors sa bansa na aydentipikado ng Pangulo sa ilalim ng kanyang five-growth region development strategy upang gawing world-class tourist destinations ang Bicol dahilan sa natural na angking kagandahan ng mga lugar dito.
“At bunga na rin nito, ang bayan ng Donsol dito sa Sorsogon ay tumaas sa first-class municipality noong nakaraang taon mula sa pagiging sixth-class municipality nito noong 2006 dahilan na rin sa pagiging “Whale Shark Capital of the World” nito,” ayon na rin sa naging pahayag ni Department of Tourism Regional Director Maria O. Ravanilla.
Ayon pa kay Ravanilla, ang Camarines Sur at Sorsogon ang mga pangunahing lalawigan sa Bicol na regular na nakapagtatala ng matatas na buwis at mataas na bilang ng mga turistang dumarayo dito.
Matapos ang pagbisita sa Sorsogon at Albay, tutuloy ang Pangulo sa Palawan, Cebu at Bohol na siyang kukumpleto sa tourism tour ng Pangulo. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment